Filtered By: Topstories
News

Toll hike sa NLEX ikakasa sa Enero 2011


MALOLOS CITY — May good news at bad news sa mga motoristang dumadaan sa North Luzon Expressway (NLEX). Inihayag nitong Martes ng isang mataas na opisyal ng Manila North Tollways Corporation (MNTC) na walang pagtaas sa singil sa toll sa NLEX na magaganap hanggang matapos ang kasalukuyang taon. Sa halip, bubulaga ang toll increase sa 89-kilometrong NLEX sa Enero 2011 sa mga motorista, ayon kay Rodrigo Franco, pangulo at chief operating officer (CEO) ng MNTC. Pero pagtiyak ni Franco, mananatiling mas mababa ang magiging toll hike sa Enero 2011 kumpara sa itinaas na singil ng kumpanya noong 2005. Ipinaliwanag ng opisyal na ang gagawing pagtataas sa toll fee sa NLEX ay nakasaad sa toll operation agreement sa gobyerno. Sa nakaraang panahon, dalawang pagkakataon na na nagkaroon ng pagbaba sa singil sa highway na tinawag nilang toll "adjustment." “We call it toll adjustment and not toll hike because in the last two toll rate changes, we actually bring down the toll rates instead of hiking it," ayon kay Franco. Idinagdag niya na ang gagawing pagtataas ng toll fee sa NLEX ay isusumite nila sa Toll Regulatory Board (TRB) bago matapos ang buwan ng Oktubre. “It’s now the subject of discussion and we hope it will be approved for implementation early next year," pahayag nito. Nagsimulang pamahalaan ng MNTC ang NLEX noong 2005. Sa nabanggit na taon, biglang tumaas ang singil sa toll fee kumpara sa dating sinisingil ng dating namamahala na Philippine National Construction Corporation (PNCC). Depensa ng MNTC, sulit naman ang nangyaring toll increase noong 2005 dahil ang malaking singil ay ginastos sa rehabilitasyon ng NLEX. Iniutos ng dating administrasyon Arroyo ang toll fee “adjustment" noong 2009 dahil sa paglakas ng piso kontra dolyar. – GMANews.TV