Filtered By: Topstories
News

'Di mahamon ng barilan: Chavit hinamon na lang ni Miriam ng debate


MANILA – Dahil labag sa batas ang duwelo sa baril, hinamon na lang ni Senador Miriam Defensor-Santiago si Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson sa isang debate sa national television kaugnay sa isinampang kaso sa kanya sa Office of the Ombudsman. Nitong Miyerkules, sinabi ni Santiago, kung hindi lang labag sa batas ang duwelo sa baril ay hahamunin niya ng barilan ang gobernador. “He scares a lot of people because of his alleged tendency to violence. I wish I could challenge him to a duel, but that is a crime under the Penal Code. So instead, I challenge him to a debate on any of the major TV channels," giit ng senadora. Ginawa ni Santiago ang hamon matapos siyang kasuhan ni Singson sa Office of the Ombudsman ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Law. Ang kaso ay batay na rin sa privilege speech ni Santiago noong nakaraang linggo kung saan isinama nito si Singson sa listahan ng mga lokal na opisyal na nasa likod umano ng operasyon ng ilegal na sugal na jueteng sa kanyang lalawigan. Inakusahan ni Singson si Santiago na ginamit nito ang kanyang parliamentary immunity upang atakihin ang ibang personalidad kahit walang basehan. Bukod dito, nagsampa rin ang gobernador ng kasong kriminal laban kay Santiago dahil sa umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan; pagharang sa imbestigasyon sa pagkamatay ng kanyang anak; at pagtalaga sa kanyang mga kamag-anak sa ibang posisyon sa gobyerno. Luma na Ayon kay Santiago, mga lumang akusasyon ang laman ng mga reklamo sa kanya ni Singson na katulad ng isinampa sa kanyang reklamo ng isang abogado nang tumakbo muli siyang senador nitong katatapos na May elections. “Those same charges have already been dismissed separately by the Ombudsman, by the Supreme Court two times, and by the Comelec. All the cases were handled by the same discredited lawyer who has managed to lose all his four cases against me," ayon sa mambabatas. Ang tinutukoy ni Santiago ay ang nabigong disbarment cases na inihain sa kanya ni Atty. Bonifacio Alentajan, na lumitaw na abogado ni Singson sa naging kaso nito sa Ombudsman. Tinawanan din ni Santiago ang reklamo sa kanya ni Singson dahil wala umanong hurisdiksiyon ang Office of the Ombudsman sa katulad niyang miyembro ng Kongreso. “Singson is sabit na naman, meaning he has again broken the law. The Ombudsman herself ruled that she has no jurisdiction over a senator," paliwanag niya. “The Constitution provides for parliamentary immunity, meaning that a senator cannot be held liable in any other place outside of the Senate," idinagdag pa niya. Jueteng bill Samantala, naghain ng panukalang batas si Senate President Jinggoy Estrada na gawing legal ang jueteng dahil sa kabiguan ng awtoridad na sugpuin ang ilegal na sugal at nagiging ugat ng katiwalian. “Through its legalization, the government can finally collect the revenues sourced from this numbers game, make use of the proceeds to finance important government programs, deny syndicates the opportunity to benefit from it and stamp out corruption," ayon kay Estrada. Samantala, tutol naman sina Senate Majority Leader Vicente Sotto III at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa panukala ni Estrada dahil naniniwala sila na kayang sugpuin ang jueteng kung gugustuhin ng mga opisyal sa lokal at nasyunal na pamahalaan. “Kung gagawing legal ang jueteng, baka dumating ang isang araw, gawin na rin legal ang droga sa ating bansa," ayon kay Sotto. - GMANews.TV