Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Assunta says she's happy with husband Cong. Ledesma despite lack of time for her


Napagdududahan ang sobrang kapayatan ni Assunta de Rossi ngayon kaya naman marami ang nag-i-speculate na baka problemado ngayon ang aktres sa kanyang marriage life o di kaya'y may karamdaman ito. Pero sa interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Assunta, nakangiti nitong itinanggi ang mga haka-haka tungkol sa kanya at sa pagsasama nila ni Cong. Jules Ledesma ng Negros Occidental. "Kasi wala akong ginagawa," bungad ng aktres sa PEP. "Puwedeng yun [ang dahilan], kasi nga I just stay home. Tinatamad akong kumain. Kailangan talagang busy ako." Hindi ba dapat ‘pag nasa bahay lang at walang ginagawa ay tumataba dahil puro kain at tulog lang? "Hindi, e. In my case, baliktad. Kasi lagi akong nakaupo buong araw. Tinatamad akong tumayo para kumain," paliwanag pa niya. Sigurado naman si Assunta na hindi bababa sa 100 lbs. ang kanyang timbang. Baka raw nasa 110 lbs. ang weight niya ngayon. "Nakakatakot naman kung under 100 lbs. na ako, baka sa hospital na ang bagsak ko nun. Yun nga, e. I am working on it. Alam ko naman na, or if you call that eating disorder. But, I'm very healthy naman. "Ako kasi yung pakonti-konti kumain, pero gusto ko maya-maya. Yun nga lang kasi ‘pag nasa bahay ako, tamad na tamad akong kumain. Kailangan nasa labas ako or nagtatrabaho." Kailangan daw kasi may ginagawa siya para magutom at kumain. "When you're active kasi, pag napapagod ka, nagugutom ka. Ako kasi palibhasa nasa bahay lang ako, hindi ako napapagod kaya hindi ako nagugutom, gano'n. Kasi wala akong activity," nakangiti niyang paliwanag. Nasa lahi rin daw nina Assunta ang pagiging payat. "Wala talaga akong sakit," sabi uli niya. "Tanggap ko na talagang nasa genes namin. If you look at my relatives, we're all talaga stick-thin. It's normal. Magtaka na kayo kung mga 200 lbs na ako. Talagang himala na yun! Ha-ha-ha! Kahit yung mga kapatid ko, mga pinsan ko, talagang balingkinitan lahat pati na sa mother side ko." Masyado nga raw masarap ang buhay niya ngayon, kaya balewala sa kanya ang mga tsismis na kaya siya payat ngayon ay dahil may problema sa pagsasama nila ni Cong. Jules. "Actually, hindi ba dapat masarap ang buhay ko dahil wala akong ginagawa at wala akong kailangang problemahin pa? Ha-ha-ha! Hindi lang talaga ako nagkakakain. "You know, I don't have to pay the bills, hindi ko kailangang gumawa ng mga gawaing bahay. Hindi ko kailangang buhayin ang pamilya ko. Couch-potato lang ako, yung gano'n! Ang side effect lang doon, hindi ako makakain. But I'm fine," masaya pang pahayag ni Assunta. ALL OUT SUPPORT FOR JULES. Balita rin kasing wala nang kumukuha kay Assunta kaya wala siyang project ngayon. Ito ba ang dahilan kaya hindi siya nagtatrabaho? "Well, lately lang kasi ako parang nag-active uli, di ba? Nung first quarter of 2010, dalawang soap ang tinanggihan ko dahil natapat sa eleksyon at hindi ako puwedeng magtrabaho siyempre. Malayo ang probinsya." Tumakbo uli kasi at nanalo sa pagka-congressman sa unang distrito ng Negros Occidental ang asawa niyang si Jules. "Hindi naman puwedeng pauwi-uwi roon dahil mapapagod naman ako. Saka kahit okey lang na mag-work ako during the campaign, pangit pa ring tingnan dahil hahanapin ako ng mga tao roon. Baka magmukha naman akong walang pakialam at hindi supportive sa grupo namin." Naging aktibo kasi si Assunta sa pagsuporta sa mga kasama sa partido ng kanyang asawa. "I-exclude na lang natin yung asawa ko, yung grupo na lang naming, our mayors. Siyempre, distrito yan, e. Five towns. We have to support them. Pag wala ako, ano na lang ang sasabihin, wala akong pakialam? Mas pinili kong kumita ng pera sa Manila, ganon?" paliwanag pa ni Assunta. - Rey Pumaloy, PEP