Filtered By: Topstories
News

Lagdameo kay Aquino: Kahirapan ‘di masusugpo sa pagbawas sa populasyon


MANILA – Pinayuhan ng dating lider ng maimpluwensiyang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) si Pangulong Benigno “Noynoy’ Aquino III, na hindi solusyon ang pagkontrol sa populasyon para malutas ang kahirapan sa bansa. Ayon kay Jaro, Iloilo Archbishop Angel Lagdameo, kung nais ni Aquino malutas ang kahirapan ay dapat na tutukan nito ang problema sa katiwalian sa gobyerno. “We should not solve poverty by cutting population but by cutting government corruption. Much money for economic development are in the wrong pockets," pahayag ng arsobispo sa panayam ng Veritas Radio nitong Miyerkules. Pinaalalahanan din ni Lagdameo si Aquino tungkol sa problemang kinakaharap ngayon ng mga bansang nagpatupad ng population control. “Countries that have cut population are now more senior citizens than can be supported by the vanishing young generation," aniya. Gayunman, sinabi ni Lagdameo na dapat manatiling bukas ang komunikasyon ng pamahalaan at Simbahang Katoliko, alinsunod na rin sa pahayag ni Aquino na nakahanda itong makipag-usap kaugnay sa pagsuporta niya sa artificial method sa pagkontrol ng populasyon. Idinagdag ni Lagdameo na hindi pa napapanahon ang mungkahing civil disobedience laban sa gobyerno kung magmamatigas sa kanyang posisyon si Aquino. “Dialogue first," ayon sa arsobispo. “At this point in time it is not advisable (ang civil disobedience)." Sa hiwalay na panayam ng Veritas radio, ikinalungkot ni Lito Atienza, national chairman ng Pro Life Philippines, ang desisyon ni Aquino na unang ipakita ang programa sa pagbawas sa populasyon ng mga Pilipino. “Nakalulungkot dahil alam naman natin labag sa batas ng Diyos na ang buhay pinakikialaman ng gobyerno at ng mga pulitiko. Pangalawa ito ay labag sa ating Saligang Batas," ayon kay Atienza, dating alkalde ng Maynila. Pinuna ni Atienza na mistulang kaiba si Aquino sa kanyang ina na si dating pangulong Cory Aquino na kilala umanong prolife at nagtatanggol ng buhay, at karapatan ng sanggol kahit hindi pa isinisilang. - MP, GMANews.TV