Filtered By: Showbiz
Showbiz

‘Taray Queen’ voted out of Survivor Philippines


Sa unang pagkakataon, isang miyembro ng Nagar Tribe ang napatalsik sa Survivor Philippines: Celebrity Showdown sa episode ng hit reality series nitong Huwebes. Sa tatlong boto na nakuha sa ginanap na Tribal Council na pinangunahan ng host na si Richard Gutierrez, nagdesisyon ang tribu na pauwiin na si Karen “Taray Queen" Delos Reyes. Si Karen ang unang miyembro ng bagong Nagar at ikaapat na castaways na napatalsik sa isla matapos na masalang ng tatlong sunod na linggo sa elimination ang binuwag na tribo ng Magan. Bago ang botohan, kinamusta muna ni Richard ang bagong Nagar na pinamumunuan na ngayon ni Ahron Villena matapos ang ginanap na reshuffle kasunod nang pagbuwag sa Magan. Ayon kay Ahron, mistulang naninibago pa sila sa kanilang tribo dahil naging close na sila ng dating mga ka-tribo na ang iba ay napasama naman sa katunggaling Sar Mayee Tribe. Sa ginanap na reshuffle, napuna ang pagiging reluctant leader ni Ahron nang makuha niya ang bato na magtutukoy ng bagong lider ng tribo. Gayunman, sa ginanap na immunity challenge kontra sa Sar Mayee, naipakita naman ng tinaguriang “Bolero ng Isla" ang kanyang determinasyon. Sa pagpili ng patatalsikin sa isla, halos nagkakaisa ang mga miyembro ng tribo na kailangan nilang alisin ang hindi masyadong nakakatulong sa kanilang camp at maging sa mga challenges. Ayon kay Karen, natunugan na niya na siya na ang patatalsikin pero wala umano siyang hinanakit. Sa halip, labis ang pasasalamat nito na nakasali sa Survivor Philippines dahil marami umano siyang natutunan sa pananatili sa isla. Bukod kay Karen, nakakuha rin ng boto para mapatalsik sa isla sina Ian “Pilyong Amboy" Batherson (dalawang boto) at Moi “Yayang Palaban" Marcampo (isang boto). Ibinigay din ni Richard kay Moi ang “immunity bracelet" na magagamit niya sa susunod na elimination sakaling matalo muli ang kanilang tribo sa immunity challenge. Nauna nang napatalsik sa isla sina Buhawi “The Tribe leader" Meneses, Doc Ferz "The Boss" Recio, at Myka "Bidang Extra" Flores - na pawang miyembro ng Magan. Samantala, umatras naman si Starstruck V avenger Princess “Ang Pasaway" Snell dahil sa labis na depresiyon kahit nakakatatlong araw pa lamang sa isla. – Fidel R Jimenez, GMANews.TV
LOADING CONTENT