Filtered By: Topstories
News

Tapyas sa pondo ng tanggapan ni VP Binay sa 2011 wala raw pulitika


MANILA – Inihayag ng isang opisyal sa Malacanang na walang halong pulitika sa ginawang pagbawas sa pondo ng tanggapan ni Vice President Jejomar Binay sa 2011. Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Biyernes, sinabi ni presidential spokesman Edwin Lacierda na ang 10 porsiyentong ibinawas sa pondo ng Office of the Vice President (OVP) ay mula sa alokasyon ng maintenance and other operating expenses (MOOE). "It was not only done in the Office of the Vice President. The maintenance and operating expenses of all Cabinet agencies were all cut including the Office of the President. The purpose for this is to reduce the expenses of the government," paliwanag ni Lacierda. Sa isinagawang pagdinig ng Senado nitong Huwebes, sinabi ni Binay na humingi siya ng P195 milyon bilang alokasyon sa OVP para sa 2011, ngunit P177.1 milyon lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management. . Bukod sa hindi nasunod ang kahilingan ni Binay, mas mababa rin ng P7.9 milyon ang ibinigay na pondo sa OVP sa 2011 kumpara sa inilaang pondo ngayong 2010. Samantala, 4.32 percent naman ang nabawas na pondo ng Office of the President (OP) sa 2011 sa halagang P4.075 bilyon, mula sa kasalukuyang P4.259-bilyon. "Wala hong bahid pulitika yung pagbawas sa budget (ng OVP)," pagtiyak ni Lacierda. Bagaman hindi miyembro ng Liberal Party ng administrasyon si Binay, may grupo na tagasuporta ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang sumuporta sa kanilang tambalang “Noy-Bi" o Aquino-Binay nitong May 10 elections. Nakabinbin naman sa Presidential Electoral Tribunal (PET) ang protesta ni dating Sen Mar Roxas, running-mate ni Aquino sa LP, kontra sa pagkapanalo ni Binay na lumamang ng mahigit 700,000 boto. – GMANews.TV