Filtered By: Topstories
News

Karapatan sa health insurance dapat alamin ng mahihirap – PNoy


MANILA – Sinimulan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Sabado ang programa sa pamamahagi ng health insurance sa mga mahihirap na pamilya sa Tundo, Maynila. Sa pagtitipon na isinagawa sa Baseco compound sa Tundo, binuksan ng pamahalaan ang health insurance registration program bilang ayuda sa kalusugan ng mga mahihirap na Pilipino. Sinabi ni Aquino na dapat alamin ng mga mahihirap ang benepisyo na maaari nilang makuha sa PhilHealth (Philippine Health Insurance Corporation) na siyang health insurance program ng pamahalaan. “(Lumabas sa) isang pag-aaral na ang average benefit rate ng national health insurance program ay nasa eight percent lamang. Nakalulungkot po... ang datos na ito. Ibig sabihin kung may 50 pasyente tayo sa ospital, apat lang sa kanila ang nagsabing... nakatulong sa kanila ang PhilHealth," ayon sa pangulo. “Sa 50 pasyente, apat lang ang nakakaalam ng kanilang karapatan at lubos na nakikinabang sa serbisyong pangkalusugan sa accredited providers. Hindi ito katanggap-tanggap," idinagdag niya. Patuloy pa ni Aquino, maging ang ibang miyembro ng PhilHealth ay hindi lubos na nalalaman ang kabuuang pakinabang na dapat nilang matanggap sa health insurance. Sa ulat ng dzRB radio nitong Sabado, sinabing inaasahan ng pamahalaan na aabot sa 800,000 Pilipino ang makakakuha ng PhilHealth cards na may bisa ng isang taon, na maaaring ipa-renew. Hinikayat ni Aquino ang mga Pilipino na magpatala sa programang pangkalusugan dahil kabilang umano ito sa pangunahing misyon ng kanyang administrasyon. Sa kanyang talumpati sa State of the Nation Address noong Hulyo, sinabi ni Aquino na target nitong mabigyan ng health care insurance ang limang milyong pamilyang Pinoy sa loob ng tatlong taon. – GMANews.TV