Filtered By: Showbiz
Showbiz

'The Cheerleader’ voted out of Survivor Philippines


Pretty Trizsha
Matapos ang emosyunal at matinding gapangan, nakapagdesisyon na ang Sar Mayee kung sino sa kanilang katribo ang unang patatalsikin sa Survivor Philippines: Celebrity Showdown. Makaraan ang merger at dalawang tribo na lang ang matira, sa unang pagkakataon ay humarap sa Tribal Council na pinamahalaan ni Richard Gutierrez, ang mga miyembro ng Sar Mayee bunga ng pagkatalo nila sa immunity challenge laban sa tribo ng Nagar. Sa pagbilang ng mga boto, unang natawag ang pangalan ni Jon "Siga ng Isla" Hall. Ngunit kasunod nito, apat na sunod na ang pagtawag sa pangalan ni Pretty “The Cheerleader" Trizsha, na idineklara ni Richard na sapat na para siya patalsikin sa isla. Bagaman may immunity bracelet, pinili nina Audrey Miles at Jon na huwag itong gamitin sa naturang botohan. Naunang binalak ni Jon na ipagamit ang bracelet sa real-life sweetheart na si Michelle Madrigal upang maprotektahan ito at hindi mapatalsik. Bago nito, ipinakita sa mga nakaraang episode ang pagiging emosyunal ng mga castaways sa pagpili kung sino ang pipilian nilang patatalsikin sa isla. Humantong pa ito sa pagsasagutan ng Michelle at Jon dahil sa hindi nila pagkakasundo kung sino ang papaalisin. Sa pagtatanong ni Richard, inamin din ni Elma Muros na nagboluntaryo siya na siya na lamang ang piliin kung makatutulong ito upang hindi mag-away ang kanyang mga ka-tribo. Inamin din ni Jon na nagsisi siya sa pagkuha ng bribe na chocolate sa naganap na immunity challenge na isa sa mga dahilan kaya sila natalo sa Nagar. Napaiyak din si Michelle matapos maglabas ng kanyang nararamdaman na sila lamang ni Jon ang magkakampi sa isla at posible silang pagtulungan ng mga ka-tribo. Sa huli, sinabi ni Pretty Trizsha masaya pa rin siya sa kabila ng pagkakatanggal dahil makikita na niya ang kanyang pamilya at makakain na muli ng maayos. – FRJimenez, GMANews.TV