Filtered By: Topstories
News

Planong pagpapabagsak sa administrasyon ni PNoy ‘di totoo


MANILA – Pinabulaanan ng mga opisyal sa Malacañang, militar at pulisya ang isiniwalat ng isang dating arsobispo na may grupong nais pabagsakin ang administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Sa panayam ng media, sinabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda na walang natatanggap na impormasyon ang Palasyo tungkol sa anumang banta laban sa pamahalaan. Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na papaimbestigahan pa rin nila ang naturang usapin sa Department of National Defense (DND). “If there is any information to that effect, then people should feel free to approach DND Secretary Voltaire Gazmin," ayon kay Lacierda. Una rito, sinabi ni retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na may grupo na naghihintay lamang ng tamang pagkakataon para mapabagsak ang gobyerno ni Aquino. Si Cruz rin ang nag-akusa na muling naging talamak ang operasyon ng ilegal na sugal na jueteng sa ilalim ng pamamahala ni Aquino. Bagaman hindi tinukoy ni Cruz kung sino ang nais magpabagsak kay Aquino, sinabi nito na kabilang sa grupo ang mga kandidato na natalo sa katatapos na halalan, at mga maka-kaliwang grupo. Ngunit maging ang opisyal ng National Capital Region Command (NCRCom) ng Armed Forces of the Philippines, ay nagpahayag na wala silang nasasagap na impormasyon tungkol sa banta laban sa gobyerno. “As of now, we have not received any report to that effect. Only, there are certain (groups) that previously said that they will be acting as active opposition, as a political opposition, not extra-legal (group)," paliwanag ni NCRCom commander Maj. Gen. Arthur Tabaquero. Tiniyak naman ni Philippine National Police spokesperson Agrimero Cruz Jr., na nanatili ang buong suporta ng pulisya kay Aquino. “Wala po tayong naririnig o nararamdaman na unrest sa ating organisasyon. Atin pong tatawagin ang atensyon ng ating intelligence units para i-validate ang mga impormasyong ito," pahayag ni Cruz. Sinabi nina Tabaquero at Cruz na papaimbestigahan pa rin nila ang impormasyon na ibinigay ng dating arsobispo. - GMANews.TV