Filtered By: Topstories
News

Vice mayor sa Nueva Ecija binaril habang nagja-jogging


Patay ang bise alkalde sa bayan ng Licab sa Nueva Ecija matapos itong barilin ng hindi nakilalang suspek habang nagja-jogging, umaga nitong Sabado. Sa panayam ng dzBB radio kay Licab police chief Senior Inspector Danilo Eduardo, kinilala nito ang biktima na si Vice Mayor Luisito Caraang. Nasawi si Caraang habang nilalapatan ng lunas sa isang ospital sa Cabanatuan City. "Nagja-jogging si Vice Mayor, may kasamang dalawa. May naka-motor galing sa likuran at binaril siya," ayon kay Eduardo. Nagtamo umano si Caraang ng tama ng bala sa katawan, habang nakatakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo. Naganap ang pamamaril dakong 5:10 a.m. Sinabi ni Eduardo na karaniwang ginagawa ni Caraang pagtakbo kasama ang dalawang bodyguard sa lugar kung saan siya binaril. Patuloy ang ginagawang imbestigasyon kung ano ang posibleng motibo sa pagpatay sa bise alkalde dahil wala naman umano itong natatanggap na banta sa buhay. – GMANews.TV