Filtered By: Topstories
News

Kasong rape isinampa na vs Patrick dela Rosa


MANILA - Sinampahan na ng kasong rape nitong Martes sa isang korte sa Quezon City ang dating actor at kasalukuyang board member ng Oriental Mindoro na si Patrick dela Rosa. Ang kasong panghahalay isinampa ng umano’y 20-anyos na biktima sa Quezon City Regional Trial Court. Naganap ang sinasabing krimen sa isang condominium noong nakaraang linggo sa nabanggit na lungsod. Walang inirekomendang piyansa kay dela Rosa na inakusahang lumabag sa Article 266-A ng Revised Penal Code. Kasalukuyang nakapiit ang dating aktor sa Station 7 ng Quezon City Police station. Batay sa mga naunang ulat, sinabi ng biktima na nag-iinuman sila ng kanyang mga kaibigan sa isang condominium sa Cubao, Quezon City noong Huwebes ng gabi nang dumating at makisali sa kanilang kasiyahan si dela Rosa at isa pa nitong kasamang lalaki.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Matapos ang inuman, nakatulog umano ang biktima dakong 1:00 a.m. ng Biyernes. Kasunod nito ay bigla siyang nagising na walang saplot sa katawan at nasa “ibabaw" na umano niya si Dela Rosa. Kaagad umano siyang nagsisigaw at sinampal ang dating aktor. Sumaklolo naman sa biktima ang dalawa niyang kaibigan habang nakita niyang nakabihis na si Dela Rosa. Sa ulat ng Unang Hirit nitong Biyernes, sinabing nagsumbong sa mga security guard ang nakatira sa kalapit-kuwarto dahil sa narinig nitong ingay kung saan naganap ang umano’y panghahalay. Nananatili namang tahimik ang kampo ni Dela Rosa tungkol sa alegasyon laban sa kanya.- GMANews.TV