Filtered By: Showbiz
Showbiz

New MTRCB chief vows to fight piracy, tax burden on movie industry


Paglaban sa film piracy at pagbawas sa singil na buwis sa industriya ang pangunahing tututukan umano ng bagong hirang na pinuno ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na si Mary Grace Poe Llamanzares. Dumating sa bansa nitong Miyerkules si Llamanzares mula sa pagbabakasyon sa US kasama ang inang si Susan Roces. Si Llmanzares ay anak ng pumanaw na aktor na si Fernando Poe Jr. Sa panayam ni GMA News reporter Dante Pirello, tiniyak ni Llamanzares sa publiko ang mabilis at makatwirang pagpapataw ng desisyon sa mga usaping tungkol sa telebisyon at pelikula. For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Malaking karangalan sa’ken, palagi ko naman sinasabi na mabigyan ng pagkakataon na manilbilihan lalong lalo na sa industriya na malapit sa puso ng aming pamilya," ayon sa bagong pinuno ng MTRCB na papalit sa outgoing chief na si Consoliza Laguardia. Sinabi ni Llamanzares na magiging bukas siya sa mga suwestiyon na makatutulong para maging maaayos ang takbo ng ahensiya. “Magkaroon ng mga pagpupulong-pulong sa mga miyembro ng industriya ng telebisyon at pelikula, at kahit na ‘yong mga independent patrons of the art," aniya. Umaasa din siya na ang mga makakasama niya sa MTRCB ay hindi lang mga taong may kakayahan sa kanilang posisyon, kundi may tunay na malasakit umano sa industriya. Kasabay ng paglaban sa piracy, sinabi ng bagong opisyal na isusulong din niya ang pagbibigay ng insentibo sa mga kumpanya na gumagawa ng mahuhusay na pelikula at mabawasan ang sinisingil na buwis sa movie producers. “Napakaimportante na tumulong ang MTRCB hindi lang para mag-review ng mga pelikula o mga palabas, kundi tulungan ang industriya na gawin na isang viable part ng ekonomiya," pahayag ni Llamanzares. Nais din ni Llamanzares na mapalago ang komersiyo sa telebisyon lalo na ngayong panahon na pangdaigdigan na ang kompetisyon dito. – FRJimenez, GMANews.TV