Filtered By: Topstories
News

Number coding sa bus inaprubahan; Odd-even scheme sa EDSA ibinasura


MANILA – Inaprubahan nitong Biyernes ng mga alkalde sa Metro Manila ang number coding scheme sa mga pampasaherong bus na bumibiyahe sa kalunsuran simula sa Nobyembre 15. Kasabay nito, ibinasura naman ng mga alkalde na nagtatag ng Metro Manila Council (MMC), ang naunang mungkahi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad muli ang Odd-Even Scheme sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA). Ang number coding sa mga pampublikong bus na bahagi ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) ay ipatutupad bilang “experimental basis." "We heed the people's voice as part of the consultative process. We also pledge to utilize all our available resources to find creative ways to solve our traffic woes," pahayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino. Sa isinagawang pulong nitong Biyernes, nagkasundo rin ang mga MM mayors na buuin ang Special Committee on Traffic na pamumunuan ni Mayor Herbert Bautista (Quezon City) at co-chair naman si Mayor Del de Guzman (Marikina City). Ang naturang komite ang babalangkas ng panuntunan sa ipatutupad na UVVRP sa mga bus katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board, na pinamumunuan ni Atty. Nelson Laluces. "We will continue to enhance traffic enforcement, and we ask for the public's cooperation in the days ahead by observing road discipline and courtesy," ayon kay Tolentino. Ang odd-even scheme ay kasama sa mga iminungkahi University of the Philippines National Center for Transportation Studies upang mabawasan ang trapiko sa Metro Manila. Sa isa pang pag-aaral na isinagawa naman ng Japan International Cooperation Agency, lumitaw na 1,600 bus lang ang kayang tanggapin sa EDSA. Pero ngayon ay umaabot na umano sa 3,800 ang bilang ng bus ang bumiyahe sa highway. Una rito, tumanggap ng kritisismo ang plano ng MMDA na isama ang mga pribadong sasakyan sa odd-even scheme dahil sasagasaan umano nito ang karapatan ng publiko na gamitin ang kanilang sasakyan. Kasama sa mga dumalo sa pulong ng mga alkalde ay sina: • Mayors Herbert Bautista of Quezon City; • Sherwin Gatchalian of Valenzuela; • Enrico Echeverri of Caloocan; • John Rey Tiangco of Navotas; • Del De Guzman of Marikina City; • Benhur Abalos of Mandaluyong; • Alfredo Lim of Manila, at • Jaime Medina of the Municipality of Pateros. – GMANews.TV