Filtered By: Showbiz
Showbiz

‘Bunso’ the 6th castaway voted out of Survivor Philippines


Mico Aytona
Si Mico “Bibong Bunso" Aytona ang napili ng Nagar Tribe na patalsikin sa isla sa special Tribal Council na ginanap sa nangungunang reality series na Survivor Philippines Celebrity Showdown nitong Biyernes. Tinawag ng Survivor host na si Richard Gutierrez na special ang ginanap na tribal council dahil pinayagan nito ang mga miyembro ng Sar Mayee tribe na makinig sa mapag-uusapan sa Nagar bilang bahagi ng kanilang reward dahil nanalo sila sa immunity challenge. Sa pag-uusap sa council, inamin ni Moi Marcampo na siya ang may pagkukulang kaya natalo ang tribo niya sa immunity challenge. Kaya naman tanggap daw niya kung sakaling siya ang piliing patalsikin ng kanyang mga kagrupo. Ngunit matapos bilangin ni Richard ang mga boto, nakakuha si Mico ng tatlong boto, kontra sa dalawang boto ni Aira Bermudez at isang boto kay Ian Batherson. Bago ang botohan, kasama sa inusisa ni Richard sa mga castaways kung sino sa kanilang kasamahan ang maituturing nilang traydor. Bunga ito ng nakaraang episode kung saan naggapangan ang mga castaway para alamin kung sino sa kanilang miyembro ang patatalsikin. Naging interesting ang sagot ni Mico na nagpakita ng sobrang tiwala sa alyansa nila ni Solenn Heusseff na matagal na niyang kasama mula pa dating tribong Magan. Ngunit lingid sa kaalaman ni Mico, sinabihan ni Ian si Solenn na siya ang iboboto ni Mico. Kaya naman nang ilista na nila ang castaway na gusto nilang patalsikin sa isla, pangalan ni Mico ang isinulat ni Solenn, habang si Ian naman ang ibinoto ni Mico. Pinili naman nina Aira at Moi na huwag gamitin ang kanilang immunity bracelet na maaaring magligtas sa kanila sa susunod na elimination. Sinabi ni Mico na tanggap niya ang desisyon ng kanyang mga kasamahan na itinuring niyang kapamilya at hindi lang basta kaibigan. Subalit hindi dito nagtatapos ang surpresa sa tribal council matapos ihayag ni Richard na magkakaroon ng double elimination na dapat abangan sa susunod na episode. - Fidel R Jimenez, GMANews.TV