Filtered By: Topstories
News

Bagyong ‘Juan’ (Megi) bumilis, pagtama sa Cagayan mapapaaga


MANILA – Bagaman hindi lumakas, bumilis naman ang bagyong “Juan," at inaasahang mas maagang tatama sa kalupaan ng Cagayan, batay sa pinakahuling pagtaya ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado. Sa ulat ng PAGASA, namataan si Juan (international codename "Megi") 820 kilometro sa silangan ng hilagang Luzon at kumikilos sa bilis na 24 kph. Nanatili naman ang lakas ng hangin nito sa 140 kph malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 170 kph, ayon kay Nathaniel Servando, deputy administrator ng PAGASA. "Bumilis po ito kumpara kaninang umaga... at dahil bahagyang bumilis ito inaasahan na sa Lunes ng umaga ito ay tatama ng kalupaan sa may dalampasigan ng Cagayan," paliwanag ni Servado sa panayam ng GMA news 24 Oras nitong Sabado.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa unang pagtaya nitong Biyernes, inaasahan nila na tatama sa Cagayan si Juan sa Lunes ng hapon. Pinapangambahan din na magiging super typhoon ang bagyo at magdudulot ng pag-ulan na katulad ng bagyong Ondoy. Dahil sa pagbilis ng bagyo, sinabi ni Servando na mas madali rin itong makalalabas ng bansa. Mula sa Cagayan, inaasahan na daaanan si “Juan" sa Apayao at Ilocos Norte, bago tutulak patungong South China Sea. Sa kabila nito, nagbabala ang PAGASA na posibleng lumakas pa rin si Juan habang naglalakbay pa ito sa Pacific Ocean. "At kapag 185 kph na maaring itaas namin ang pinkamataas na signal sa mga lalawigan na diretsang tatamaan ng bagyong ito," pahayag ni Servando. - GMANews.TV