Filtered By: Topstories
News

Mga OFW pinag-iingat vs ‘hablot gang’ sa Jeddah


Pinag-iingat ng Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, Saudi Arabia ang mga overseas Filipino workers (OFWs) laban sa modus-operandi ng mga snatcher na nakasakay sa kotse na nanghahablot ng mga gamit ng biktima partikular ang bag. Batay sa natanggap na impormasyon ng konsulado at kumakalat na email sa Filipino community sa KSA, sinabing aktibo ang mala-“hablot gang" sa Tahlia St. na malapit sa isang supermarket at padalahan ng pera ng mga OFW. Kailangan umanong maging alerto at ingatan ang gamit ng mga Pinoy kapag naglalakad sa nabanggit na lugar dahil walang pinipiling oras ang mga sangkot sa ilegal na gawain. Sa impormasyong nakalat ng GMANews.TV, sinasabing nag-iikot muna sa lugar ang mga hindi kilalang miyembro ng sindikato habang naghahanap ng posible nilang bibiktimahin at hahablutan ng gamit. Nitong nakaraang linggo ng gabi, nasaksihan ng correspondent ng GMANews.TV ang paghablot sa shoulder bag ng isang Pinay na nurse habang naglalakad patungo sa isang bakery kasama ang kanyang kaibigan. Lumuluhang ikinuwento ng biktima ang kanyang karanasan sa GMANews.TV, na lumabas lang sila ng trabaho upang bumili ng tinapay sa panaderya na di kalayuan sa kanilang pinapasukan. “Ngulat po ako sa bilis ng pangyayari. Aka ko matatangay pati kaibigan ko sa paghaltak nila (sa bag) Mabuti na lang at nahawakan ko ang braso ng kaibigan ko. Kung hindi at nakipaghilahan baka makaladkad siya," pahayag ng nurse na humiling huwag na lang banggitin ang kanilang mga pangalan. Ilang Pilipino sa lugar na pinangyarihan ng snatching ay nagpahayag na hindi iyon ang unang pagkakataon na may Pilipino na nahablutan ng gamit sa nabanggit na lugar. Dahil malapit din sa lugar kung saan kadalasang nagpapadala ng pera ang mga OFWs, pinaalalahanan ni Consul Leo Tito Ausan Jr., na dobleng ingat at alerto ang dapat gawin upang hindi sila mabiktima. “Kung maaari po na ilagay sa bulsa ang inyong mga mahahalagang bagay lalo na po ang Iqama. Kung maari din ay iwasan po natin ang magdadala ng mga shoulder bag. Malakas na panghalina ang mga ito sa mga snatcher," payo ng opisyal. Idinagdag naman ni Filipino community leader Atoy Esguerra, na marapat na pag-ingatan ang mga Pinoy ang pinaghirapan nilang kita sa KSA na ipadadala nila sa mga pamilya sa Pilipinas upang hindi mapasakamay ng mga kriminal. – Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV