Filtered By: Topstories
News

Kandidato sa brgy elections na 'alaga' ng pulitiko, huwag iboto – PPCRV


MANILA - Hinimok ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang mga botante na huwag iboto ang mga kandidato na “bata" ng ibang pulitiko. Ang payo ay ginawa ni PPCRV chairperson Henrietta De Villa, kasabay ng pag-amin na namamayani pa rin ang “bata-bata" system sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections. “Ang mga mayor at congressman, kumikilos ‘yan sa ilalim, kanya-kanyang palakad ‘yan na hawak nila ang mga kandidato (sa barangay at SK), hindi sila dapat partisan," pagtatapat ni De Villa sa panayam ng Radyo Veritas nitong Miyerkules. Sinabi ng opisyal na nagiging mainit ang pulitikang pambarangay dahil na rin sa malaking pondong nakapaloob sa Internal Revenue Allocation (IRA) na ibinibigay sa mga komunidad. Hiniling ni De Villa sa mga parokya ng Simbahan mag-alay ng panalangin sa Linggo para maging malinis at mapayapa ang gaganaping halalan sa Oktubre 25. Abala umano ang PPCRV sa pag-organisa ng mga forum sa mga komunidad upang lubos na makilala ng mga tao ang mga kandidato barangay at SK. Hinikayat din ni De Villa ang publiko na huwag balewalain ang darating na halalan sa komunidad bunga na rin ng mababang voter’s turnout (60 percent) na namonitor ng Commission on Elections. Sa hiwalay na panayam kay Comelec Spokesman James Jimenez, sinabi ng opisyal na pinag-aaralan ng komisyon na ipagpaliban ang halalan sa mga lugar sa Northern Luzon na lubhang naapektuhan ng bagyong “Juan." Ayon Jimenez, magpapalabas sila ng desisyon sa mga lugar na ipagpapaliban ang halalan sa sa Biyernes. “Ang concern natin, kung hanggang sa Lunes may mga evacuee sa mga polling centers, we might not be able to hold elections then," paliwanag ng tagapagsalita. Samantala, sinimulan na ng Comelec na ipadala ang mga baloto sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas na inimprenta ng National Printing Office. - MP, GMANews.TV