Filtered By: Topstories
News

Iniwan ni ‘Juan’ sa Pinas: 17 tao patay, 20 sugatan


MANILA – Umakyat na sa 17 tao ang nasawi, at mahigit 20 ang nasugatan sa pananalasa ng bagyong si “Juan" sa hilagang Luzon. Bukod pa rito ang halaga ng pinsala na tinatayang aabot sa P5 bilyon. Sa ipinalabas na listahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules, sinabing umabot sa 63,000 kabahayan ang naapektuhan ng bagyo. Katumbas ito ng 332,000 tao na lumikas sa kanilang mga bahay mula sa regions I, II, III, IV-A, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region. Siyam sa mga nasawi ay sa lalawigan ng Pangasinan, at tig-isa naman sa Ilocos Sur, Cagayan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Kalinga, Benguet, at Baguio. Kabilang sa mga nasawi sa Pangasinan ay tatlong babae na nalunod sa isang ilog sa Barangay Tamayo, San Carlos sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo noong Lunes.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa paunang pagtaya sa pinsala ng bagyo, inihayag ng NDRRMC na aabot sa P1.3 bilyon ang pinsala sa Region II at CAR na matinding tinamaan ni “Juan." Ayon sa Department of Agriculture (DA), aabot sa P4.77 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura dahil sa lawak ng pinsala sa mga taniman at maging sa pangisdaan. Kabilang sa napinsala ang may 222,336 metriko tonelada ng palay na nagkakahalaga ng P3.78 bilyon. Sa kabila nito, tiniyak ng National Food Authority na may sapat na imbak ng bigas na tatagal ng 52 araw. Ang mga palayan sa lalawigan ng Isabela ang pangunahing naapektuhan ng bagyo, ayon sa DA. Samantala, mabuting naani na umano ang 90 porsiyento ng mga mais nang dumating si “Juan." Ayon kay NDRRMC executive officer Benito Ramos, nakatakdang bumisita sa Isabela si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Idinagdag ni Ramos na tumutulong sa paghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo ang mga sundalong Amerikano na bahagi ng military exercise sa Central Luzon. Sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), dakong 4 p.m. nitong Miyerkules, si “Juan" ay nasa 350 km west ng Laoag City. Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 175 kph malapit sa gitna. Nakataas ang signal no.1 sa : • Ilocos Norte • Ilocos Sur • La Union • Benguet • Pangasinan • Zambales — GMANews.TV