Filtered By: Topstories
News

‘Pork barrel’ funds ng mga kongresista naipalabas na — Belmonte


MANILA – Tapos na ang tampo ng ilang kongresista makaraang ihayag ni Speaker Feliciano Belmonte Jr na ipinalabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pork barrel funds ng mga mambabatas simula noong nakaraang linggo. Sa panayam ng media nitong Huwebes, sinabi ni Belmonte na naipamahagi na simula noong nakaraang Miyerkules ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga kongresista na mas kilala rin bilang “pork barrel." Ang SARO ay mistulang tseke na nagbibigay garantiya na mayroong nakalaang pondo para sa proyektong hinihingi ng mambabatas na popondohan mula sa PDAF. Noong nakaraang linggo, ilang kongresista ang nagpahayag ng hinanakit at nagbabala na posibleng mapatalsik sa puwesto si Belmonte kung hindi ito kikilos para maipalabas ang ikalawang bahagi ng kanilang PDAF. Bawat taon ay nakatatanggap ng tig-P70 milyon na PDAF ang mga kongresista. Mas malaki naman ang nakukuha ng mga senador na tig-P200 milyon. Noong nakaraang linggo ay inamin ni House Deputy Speaker Lorenzo Tañada III na may ilang kongresista ang nagrereklamo kung bakit hindi pa naipapalabas ang natitirang kalahati ng taunang PDAF ng mga mambabatas. Naantala ang pagpapalabas ng PDAF dahil sa kalituhan sa ipinalabas na kautusan ng Commission on Elections na nagsama sa pork barrel sa mga sakop ng “election ban." Ngunit matapos ang en banc meeting ng Comelec, napagkasunduan na hindi dapat masagot ng ban ang pagpapalabas ng pondo para sa proyekto, ayon kay Belmonte. Sa isang text message ni DBM Sec Florencio Abad sa GMANews.TV, tiniyak nito na maipapalabas ang PDAF at may sapat na pondo para dito. “So starting Wednesday, Thursday and Friday (last week), all of the pending SAROs at DBM (Department of Budget and Management) were all released," pahayag ni Belmonte. Bagaman hindi umano lumapit sa kanya si dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo para makakuha ng SARO, sinabi ni Belmonte na nagpatulong naman ang bayaw at isang anak na kongresista ng dating lider para sa naturang pondo. Ayon sa lider ng Kamara, ipinadala niya ang SARO ni Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy" Arroyo at isang anak ni Arroyo kay House minority leader Edcel Lagman. “Iggy was the one who asked me and I told him I would look for the check. Iggy and one of the two sons, hindi ko lamang maala-ala kung sino sa dalawa," patungkol ni Belmonte sa mga anak ni Arroyo na sina Camarines Sur Rep. Diosdado “Dato" Arroyo at Ang Galing Pinoy party-list Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo. “I handed them over to Lagman, in a brown sealed envelope where the names of the two were written. That was last Saturday morning, after the session," idinagdag ni Belmonte. Paliwanag ni Belmonte, ang natitirang P35 milyon PDAF ay hinati sa dalawang uri ng proyekto para sa “hard infra-projects" na P20 milyon at “soft" projects" na P15 milyon. Iginiit ni Belmonte na pinapanindigan niya ang nauna niyang pangako na magiging pantay-pantay ang pagtrato niya sa lahat ng kongresista. “I would like to make that very clear. What I promised to the members, particularly those who never got anything in the past as well as the party list people who were not treated the same, would get the same and get it the same time," aniya. - GMANews.TV