Filtered By: Topstories
News

Pagtalaga ni PNoy ng peace negotiator sa NDF sinuportahan ng ilang obispo


MANILA – Sinuportahan ng ilang obispo sa Simbahang Katoliko ang pagtalaga ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ng negosyador para isulong ang usapang pangkapayapaan sa mga komunistang rebelde. Sa magkahiwalay na panayam sa Veritas Radio nitong Biyernes, sinabi nina Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, at Military Ordinariate Bishop Leopoldo Tumulak, na welcome development ang pagtalaga kay Department of Health (DOH) undersecretary Alex Padilla, bilang chief negotiator. Si Padilla ay naatasan ni Aquino na manguna sa pakikipag-usap sa rebeldeng grupo na National Democratic Front-Communist Party of the Philippines (NDF-CCP-NPA). “The appointment of a chief negotiator to CPP-NPA-NDF is most welcome," ayon kay Iniguez na tagapangulo rin ng Episcopal Commission on Public Affairs ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines. Umaasa ang obispo na magtatagumpay si Padilla sa gagawing pakikipag-usap sa rebeldeng komunista para mawakasan ang ilang dekadang pakikipaglaban sa pamahalaan. Umaasa naman si Bishop Tumulak na tama ang naging desisyon ni Aquino sa paghirang kay Padilla bilang negosyador. Kasabay nito, hiniling ng Obispo sa pamahalaan at rebeldeng grupo na bigyan ng panibagong pag-asa ang kapayapaan. “Listen to the people’s request that can help meet their needs and desires and fulfill their values," payo ni Bishop Tumulak. Matatandaan na nakansela ang negosasyon matapos isama ng United States ang CCP-NPA sa listahan ng mga terorista. - GMANews.TV