Filtered By: Topstories
News

Mga dismayado sa nakaambang toll increase pinapakalma ng Malacanang


MANILA – Umapela ang Malacañang sa publiko nitong Biyernes na maging mahinahon sa napipintong pagtaas sa singil sa toll sa tatlong expressway sa bansa kasunod ng naging desisyon Korte Suprema. Sa isinagawang news briefing sa Palasyo nitong Biyernes, nanawagan si Presidential spokesman Edwin Lacierda na huwag maging padalos-dalos sa desisyon bunga na rin ng bantang kilos-protesta ng mga consumer at transport group. Ang banta na pinangunahan ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), ay kasunod ng desisyon ng SC na nagpapahintulot sa pamahalaan na magtaas ng singil sa paggamit ng mga motorista sa North Luzon Expressway (NLEX), South Luzon Expressway (SLEX), at Skyway.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV "Let’s wait and see. Wag po tayong maging masyadong agitated. I know the concerns are there," pahayag ni Lacierda. "I know that may takot po tayong lahat po ay tataas at magdo-domino effect pero tingnan po natin ang nangyari sa NLEX noon. Malaki po ang naging improvement at saka over time nakita po ng taong-bayan ang benepisyo po niyan," paalala niya. Gayunman, karapatan umano ng Piston na magprotesta o maghain ng petisyon sa korte para kuwestiyunin ang nagging desisyon tungkol sa toll increase. Hindi naman sakop ng inalis na TRO ng SC ang usapin sa plano ring pagtaas ng singil sa toll sa Manila-Cavite Toll Expressway, Southern Tagalog Arterial Road, at Subic-Clark-Tarlac Expressway. Sinabi ni Lacierda na inaasahan ng Malacañang na mauunawaan ng publiko ang pangangailangan sa pagbabayad sa toll kapag nakita nila ang paghusay ng serbisyo sa mga expressway. "As long as people see the visible effects in terms of road service, in terms of convenience, in terms of ease of traffic... we believe that the people are reasonable," ayon sa opisyal. Idinagdag ni Lacierda na magpupulong ang Toll Regulatory Board sa susunod na linggo para talakayin ang magiging halaga ng singil sa NLEX, SLEX, at Skyway. Bukod sa pagtaas ng singil sa toll fees, nakaamba rin ang pagtaas sa singil sa mga mass transit system na MRT at LRT — GMANews.TV