Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hayden Kho to file new motion to dismiss case filed by Katrina Halili


Hindi natuloy ang pagdinig ng Pasig Regional Trial Court nitong Martes sa kasong isinampa ng Kapuso sexy star na si Katrina Halili laban kay Hayden Kho Jr. Ito ay dahil sa inihaing manipestasyon na kampo ng huli na magsusumite sila ng panibagong mosyon para hilingin sa korte na ibasura ang reklamo ng aktres. Ang kasong paglabag ni Hayden sa Anti Domestic Violence law o Republic Act 9262, ay inihain ni Katrina kaugnay sa sex video scandal ng dalawa, ayon sa ulat ni GMA News reporter Kara David sa QTV’s Balitanghali nitong Martes. Maghahain umano sa Pasig RTC ang motion for leave of court ang kampo ni Kho sa layuning pawalangsaysay ng korte ang mga ebidensiyang isinumite ng kampo ni Katrina. Paliwanag ni Atty Lorna Kapunan, abogado ni Hayden, ang naturang mosyon ay katulad ng motion for dismissal sa isang criminal case. Naniniwala ang kampo ng kontrobersiyal na dating celebrity doctor na hindi sapat ang mga katibayan na ipinakita ng kampo ni Katrina sa korte para patunayan na nilabag ni Hayden ang RA 9262.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sakaling pagbigyan ng korte ang petisyon ni Hayden, sinabi sa ulat na mababasura ang kaso nang hindi naisasalang sa witness stand ang dating duktor. Samanatala, kapag ibinasura ng korte ang petisyon ng kampo ni Hayden, magpapatuloy ang pagdinig sa kaso sa Disyembre at kailangang magpresinta ng unang testigo ang kampo ng depensa. Sa kabila nito, kampante naman si Atty. Raymond Palad, abogado ni Katrina, na ibabasura ng korte ang mosyon ng depensa at magpapatuloy ang paglilitis kay Hayden. Ayon kay Palad, walang pinagkaiba ang grounds na isinumite ng kampo ni Hayden, sa dalawang naunang apela na inihain ng mga ito para maibasura ang reklamo ng aktres. Ngunit tulad ng naunang dalawang apela, naniniwala si Palad na ibabasura pa rin ng Pasig RTC ang ikatlong hirit ng kampo ni Hayden. Inihayag naman ni Hayden na aapela siya sa Professional Regulation Commission (PRC) para maibalik ang kanyang lisensiya bilang duktor kapag ibinasura ng korte ang kanyang kaso. - FRJimenez, GMANews.TV