Filtered By: Topstories
News

‘Skills-Up’ training program sa mga 'DH', kasambahay inilunsad


MANILA – Sa hangaring mabigyan ng higit na magandang trabaho na mapapasukan ang mga Pilipino sa loob o labas man ng Pilipinas, inilunsad ng isang samahan na tumutulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang programa na magkakaloob ng karagdagang kaalaman hindi lang sa mga gawaing bahay. Katuwang si Senador Manny Villar, inilunsad ng Blas F. Ople Policy Center and Training Institute, ang vocational skills scholarship program para sa mga naging biktima ng human trafficking at illegal recruitment. Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabing kasama rin sa programang tinawag na “Skills-Up," ang Asian School of Hospitality Arts, na accredited ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Sa paglulunsad ng programa na ginawa sa The Coffee Beanery sa Quezon City, 20 biktima ng human trafficking at illegal recruitment ang unang nagkaroon ng pagkakataon na matutunan ang trabaho ng mga tinatawag na “barista." Ayon kay Villar, ang mga unang mabibigyan ng scholarship sa programa ay sasailalim sa three-month course sa hotel housekeeping at baristas sa Asian School of Hospitality Arts (ASHA). Ang ASHA ay sister company ng mga kilalang Center for Culinary Arts and The Coffee Beanery at Cravings Group of Restaurants. Matapos ang pagsasanay, magkakaroon ng on-the-job training ang mga scholar sa loob ng isa at kalahating buwan sa piling mga restaurant at coffee shop na may sahod. Kabilang umano sa mga unang napili na makikinabang sa programa ay mga nabiktima ng human trafficking at illegal recruiter mula sa Dubai, Saudi Arabia, Malaysia at Cyprus. "This modest but meaningful voc-tech scholarship program is our way of thanking and honoring these trafficked survivors for their courageous fight for justice against powerful and well-connected trafficking syndicates," pahayag ng senador. Inihayag naman ni Susan Ople, presidente ng Blas F. Ople Policy Center, na palalawigin nila ang programa upang maisama ang short hands-on courses sa call center at transcription services. Kasama din umano sa pangmatagalang plano sa programa na mabigyan din ng scholarship ang mga dependent o kapamilya ng OFW. "For now, we are focusing on trafficked and illegal recruitment victims because we want to help them recover from their ordeal and move on to better opportunities as skilled workers," ayon kay Ople. Ang Skills-Up ay bahagi umano ng programa ni Villar sa ginagawa nitong pagtulong upang maiuwi sa Pilipinas ang mga nagigipit na OFW sa ibang bansa. Naniniwala ang senador na higit na magkakaroon ng magandang oportunidad sa loob o labas ng bansa ang mga nais maghanap ng trabaho kung magkakaroon sila ng karagdagang kaalaman maliban sa mga gawaing bahay. - GMANews.TV