Filtered By: Topstories
News

DFA: Nurse sa video na pumalpak sa pag-asikaso sa pasyente sa London, Pinay


MANILA - Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na Filipina ang nurse na nakunan sa video na aksidenteng napatay ang ventilator na nakakabit sa binabantayang pasyente sa London. Dahil sa pagkakamali, nagkaroon ng matinding pinsala sa utak ang biktima. Sa isang pahayag nitong Huwebes, kinilala ng DFA ang Pinay nurse na si Violeta Aylward, 55-anyos. Sinuspindi na si Aylward sa trabaho ng kanyang kumpanya na Ambition24 Care Service habang nagsasagawa ng imbestigasyon. Bukod dito, sinuspindi rin ng Nursing and Midwifery Council ang lisensiya ni Aylward. Ayon sa DFA, wala namang kasong kriminal na inirekomenda ang United Kingdom Crown Prosecution Service laban kay Aylward. Sakabila nito, patuloy umanong tinututukan ng embahada ng Pilipinas ang kaso ng nurse para sa anumang legal na tulong na maaari nilang ipagkaloob. “The Embassy has reached out to the Filipina and conveyed its readiness to assist her. It is also actively monitoring developments of the case," nakasaad sa pahayag. Ang naturang video ay kuha sa loob ng bahay ng pasyente ni Aylward na si Jamie Merrett, 37-anyos. Si Merrett ay pasalisado matapos itong maaksidente noong 2002. Lumabas ang naturang video sa news telecast ng BBC at napapanood na rin sa Internet. Sa video, makikita ang isang babae na may ginalaw sa isang aparato sa tabi ng nakahigang pasyente. Kasunod nito ay may narinig na pagtunog at nagkaroon na ng komusyon para mapaandar muli ang aparato. Sinasabing tumagal ng 21 minuto bago napaandar ang aparato sa tulong ng mga nagrespondeng paramedics. Ang pagpatay umano sa aparato ay nagdulot ng matinding pinsala sa utak ni Merrett na nauwi upang maging isip-bata ang pasyente. Bago ang insidente, nagagawa umano ni Merrett na makipag-ugnayan sa pamamagitan ng voice-activated technology, at paandarin ang de-makinang wheelchair. "His life is completely changed. He doesn't have a life now. He has an existence but it's nowhere near what it was before. He is very brain damaged compared to what he was before," ayon sa kapatid ni Merrett na si Karen Reynolds sa panayam ng BBC news’ Inside Out. - GMANews.TV