Filtered By: Topstories
News

'PH' o ‘PHL’ ang dapat gamiting inisyal sa Pilipinas hindi ‘RP’ — DFA


MANILA – Magsanay na sa pagbigkas o pagsulat ng “PH o “PHL" para sa pinaigsing Philippines sa halip na ang nakasanayang “RP," na patungkol sa "Republic of the Philippines." Ayon sa DFA, hindi naaayon sa itinakdang codes ng International Organization for Standardization (ISO) ang paggamit ng bansa sa "RP." “The long standing usage of the initials RP is not in accordance with ISO codes, leading to ambiguous initials that can also refer to other countries," pahayag ng DFA. Sa patakaran na itinakda ng ISO, ang inisyal ng Pilipinas – na batay sa dalawang letra (alpha-2) at tatlong letra (alpha-3) ng mga bansang kasapi nito – ang code na dapat gamitin ng bansa ay PH at PHL. Para masunod ang itinakda sa ISO, nagpalabas ng department order si Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo noong Oktubre 20, na nag-aatas sa 67 embahada, 23 konsulado at at apat na permanent mission, na gamitin na ang PH o PHL bilang inisyal ng Pilipinas sa kanilang komunikasyon. Ang ISO ay isang international-standard-setting body na binubuo ng mga kinatawan ng national standards organizations ng iba't ibang bansa. Ang Bureau of Product Standards ng Department of Trade and Industry ang kumakatawan sa Pilipinas sa ISO, na isang non-governmental organization na itinatag sa February 1947. Ang punong himpilan ng ISO ay matatagpuan sa Geneva, Switzerland. Mapapansin na ang ISO codes ay ginagamit din sa airline ticketing, pag-isyu ng passport, halaga ng pananalapi, internationally-traded shares sa stock market at iba pa. - GMANews.TV