Filtered By: Topstories
News

Kontrobersiyal na Twitter account ng opisyal ni PNoy binura na?


MANILA - Hindi na makita sa Internet ang Twitter account ng kontrobersiyal na opisyal ni Pangulong Beningo "Noynoy" Aquino III na kasama sa delegasyon ng Pilipinas sa pagbisita sa Vietnam. Sinubukan ng GMANews.TV na bisitahin nitong Sabado ang Twitter account ni Assistant Secretary Mai Mislang, ngunit ang tanging lumalabas ay, “Sorry, that page doesn’t exist!" Nitong Biyernes, inulan ng kritisismo sa Internet ang ilang “tweet" ni Mislang tungkol sa obserbasyon nito Vietnam habang kasama sa delegasyon ng Official Visit ni Aquino. Bago mawala ang Twitter account ni Mislang, kabilang sa mga pinuna nito sa kanyang mga “tweet" ay ang inihandang “wine" ng Vietnam para sa delagasyon ng Pilipinas. Gayundin ang kawalan umano ng magandang lalaki sa nabanggit na bansa, at madaling paraan ng pagpapakamatay ang pagtawid sa kalye dahil sa dami ng motorsiklo. Inilarawan ni Mislang ang sarili sa kanyang account bilang “musician, writer, alipin ng bayan." Si Mislang ay speech writer ni Aquino magmula pa sa Senado at bahagi na ngayon ng kontrobersiyal na Communication Group sa Palasyo. Ayon kay Presidential Communications Development and Strategic Planning Office undersecretary Manuel Quezon III, humingi na ng paumanhin si Mislang batay sa inilagay nito sa kanyang Facebook Wall. "I apologize for my comments. If I offended anybody, please know that was never the intention. I feel extremely blessed to be in a beautiful country blessed with warm hospitable people," nakasaad umano sa mensahe ni Mislang. Relasyon ng Pinas-Vietnam ‘di apektado Kumpiyansa naman si deputy presidential spokeswoman Abigail Valte na hindi maaapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at Vietnam dahil sa mga tweet ni Mislang. “The sentiments of Mislang were her own and not the sentiment of the Philippines or of the president in general," paliwanag ni Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Idinagdag ni Valte na kinausap na ni Secretary Ricky Carandang ng PCOSPD si Mislang tungkol sa nasabing usapin. Una rito, tinawag ni Carandang na maliit at saradong usapin na ang kontrobersiyal na mga ‘tweet" ng kanyang opisyal. “Nag-apologize na si Asec. Mislang sa sinabi niya. Inulit niya walang offense meant and kung may na-offend humihingi siya ng paumanhin," ayon kay Valte. - GMANews.TV