Filtered By: Topstories
News

Wala raw masama kung i- date ni Noynoy si Ai Ai delas Alas


Wala raw masama kung sakaling i-date ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang komedyanteng si Ai Ai delas Alas na unang nasabing na nais niyang maging First Lady ng bansa. Ang pahayag ay ginawa ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte nitong Martes, kasabay ng pagtanggi na may search committee na binuo ang Malacañang para maghanap ng mapapangasawa ng pangulo. “Sa pagkakaalam ko, wala namang Search Committee. Kay Pangulo na lang sila mag-apply," biro ni Valte. Nang tanungin ang tagapagsalita kung papaano puwedeng mag-aplay ang babaeng interesado, tugon ni Valte: “Bahala na lang sila kung papaano nila gagawin ito." Ayon sa opisyal, wala ring masama kung sakaling i-date ni Aquino si Ai Ai na kilalang malapit sa kapatid ng pangulo na si TV host-actress Kris Aquino. “Ano ba masama doon kung gusto ng Pangulo? Sino tayo para humusga sa Pangulo kung sino magustuhan niya? Sino naman tayo para humusga sa kagandahan ng isang tao?" paliwanag ni Valte. Nitong Oktubre 23, nakasaad sa Twitter account ni Kris na sinabi sa kanya ni Ai Ai na huwag na siyang tawagin “friendship" dahil gusto niyang maging girlfriend ni Aquino. “At a tvc shoot now w/ Friendship Ai. She's super funny- she said she'll be PNoy's GF soon, so don't call her na Friendship, sya na raw si "SIS in Law!" Enjoy the long weekend. Pls vote on Monday!," nakasaad sa tweet ni Kris. Sa isang television interview nitong weekend, pabirong inihayag muli ni Ai Ai na pangarap niyang maging First Lady ng bansa. Bagaman may anak, walang asawa si Ai Ai habang nananatiling binata si Aquino. Bagaman hindi kinukumpirma, iniulat na hiwalay na sina Aquino at nobya nitong si Valenzuela Councilor Shalani Soledad. Nauugnay ngayon si Aquino sa kanyang stylist na si Liz Uy na kaibigan din ni Kris, at isang nagngangalang Barbie Palagos. - GMANews.TV