Filtered By: Topstories
News

Tinarget sa Maynila: Vice mayor ng Zambo Sur nakipagbarilan sa mga assassin


MANILA – Nakaligtas sa kamatayan ang isang bise alkalde ng Zamboanga del Sur matapos siyang makipagbarilan sa mga taong balak siyang itumba habang nasa Maynila nitong Martes. Sa GMA News 24 Oras nitong Martes ng gabi, sinabing sugatan pero ligtas na si Labangan vice mayor Ukol Talumpa. Nasugatan din ang pamangkin niya na si Alimodin Silad. Masuwerte naman na hindi nahagip ng bala ang mga anak ng bise alkalde na nakasakay din sa likuran ng kotse na pinaputukan ng mga suspek. Sinabi naman ni Manila Police District head Chief Superintendent Roberto Rongavilla, na bumuo na siya ng grupo na magsisiyasat sa nangyaring pag-ambush sa bise alkalde.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na nagmamaniobra ng kanyang kotse si Talumpa sa panulukan ng Apacible at Leon Guinto Sts. sa Maynila para umalis nang biglang paputukan sila ng mga hindi nakilalang suspek. Bagaman sugatan, nagawa ni Talumpa na gumanti ng putok sa mga suspek hanggang sa mapilitan ang mga ito na tumakas. Nadamay sa palitan ng putok ang isang katabing tindahan kung saan nakita sa surveillance video nito ang mga nagulantang na kostumer at empleyado. Tinamaan din ng bala harapan ng isang nakaparadang pampasaherong jeepney. – GMANews.TV