Filtered By: Topstories
News

Palitan ng piso vs dolyar posible raw umabot sa P42 sa pagtatapos ng 2010


MANILA – Dahil sa posibilidad na umabot sa P42 ang palitan ng piso kontra sa dolyar sa pagtatapos ng 2010, iminungkahi ng isang kongresista na pag-aralan ng Kongreso na ilipat sa ibang proyekto ang pondong inilaan na pambayad sa mga utang panlabas sa 2011. Ayon kay House Minority Leader Rep. Edcel Lagman, kung mangyari ang pagsasara ng palitan ng piso vs dolyar sa P42, makatitipid ang pamahalaan ng P12.855 bilyon na pambayad sa mga utang panlabas na nakalaan sa 2011 General Appropriation Bill. Sinabi ng kongresista na ang matitipid na pondo ay maaaring ilipat ng Kongreso sa ibang makabuluhang proyekto tungkol sa edukasyon, kalusugan at impraestruktura. “For every peso appreciation to the US dollar, there is an increase in revenue of P5.4 billion but a corresponding increase in expenditure of P2.6 billion or a net increase in revenue of P2.8 billion," paliwanag ni Lagman, dating chairman ng House committee on appropriations. Ang pahayag ni Lagman ay batay sa kanyang pagtaya na inihanda ng administrasyong Aquino ang P1.645 trilyong 2011 national budget sa pagtaya na ang palitan ng piso vs dolyar sa halagang P45-47. Nitong Miyerkules, nagbukas ang merkado sa halagang P42.750 vs $1, at nagsara sa P42.590 - $1. Mas mataas ito kumpara sa P42.755 na palitan kontra $1 nitong Martes. Kamakailan ay iminungkahi na sa pamahalaan ng dalawang kongresista na pag-aralan na ang magiging negatibong epekto sa ekonomiya ng patuloy na paglakas ng piso kontra sa dolyar. Kabilang sa pinapangambahan ng mga kongresista ang magiging epekto ng paglakas ng piso sa reserbang dolyar ng bansa, gayundin sa ipinapadalang remittances ng mga overseas Filipino workers (OFWs), at export sector. Sinabi ni Lagman na may karapatan ang Kongreso na baguhin ang alokasyon sa pagbabayad ng utang panlabas dahil taglay nila ang kapangyarihan na kung tawagin ay “power of the purse" na nakasaad sa Saligang Batas. “The House should not be cowed by the Executive from slashing the interest payment for debt service because the reduction is justified and the realignment is imperative." aniya. “The Congress should not be timid in exercising its constitutionally mandated power of the purse." - GMANews.TV
Tags: peso, economy