Filtered By: Topstories
News

‘Pork barrel’ funds sa distrito ni Arroyo, idinepensa ng Palasyo


MANILA – Idinepensa ng Malacañang nitong Miyerkules ang P2.2 bilyong pondo na nakalaan sa 2nd District ng Pampanga na kinakatawan ngayon sa Kamara de Representante ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa panayam ng media, sinabi ni presidential spokesman Edwin Lacierda na karamihan sa pondo na nailaan sa distrito ni Arroyo sa 2011 ay bahagi ng mga nautang ng nakaraang administrasyon sa pamahalaan ng Japan at Korea. "It's not pork (barrel)," paglilinaw ni Lacierda bilang tugon sa batikos na ginawa ni Senador Alan Peter Cayetano sa administrasyong Aquino. Nitong Martes, pinatamaan ni Cayetano ang pamahalaan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, dahil tila tinatratong "sacred cow" si Arroyo matapos nitong madiskubre ang pondong nakalaan sa distrito ng dating lider. Dagdag pa ng senador, ang pag-baby umano ng pamahalaang Aquino kay Arroyo ay taliwas sa naunang ipinangako nito na hahabulin ang dating pangulo dahil sa mga alegasyon ng katiwalian. Ngunit paalala ni Lacierda kay Cayetano, hindi kaalyado ng kasalukuyang administrasyon si Arroyo kaya mali ang hinala nito na pinapaboran si Arroyo sa alokasyon ng pondo. Ayon kay Lacierda, malaking bahagi ng pondong inilaan sa distrito ni Arroyo ay gagamitin sa mga proyekto at sa rehabilitasyon ng mga sinalanta sa pagputok ng bulkang Pinatubo noong 1991. "We have to dredge some areas, we have to do some corrective measures on the area around Mount Pinatubo," pahayag ng tagapagsalita ni Aquino. Sa kabila nito, sinabi ni Lacierda na inatasan ng Palasyo si Public Works Secretary Rogelio Singson na pag-aralan ang naturang alokasyon sa paggamitan ng pondo. Batay sa talaan ng Department of Budget and Management, ang P2.2-bilyon ay gagamitin sa mga sumusunod: - P1.61 bilyon sa Flood Control Works in Porac – Gumain River at Pasac Delta Area na bahagi ng Mt. Pinatubo Hazard Urgent Mitigation Project Phase III, na binubuo ng P1.32 B mula sa loan proceeds sa Japan Bank for International Cooperation (JBIC) at P289 milyon mula sa Philippine government counterpart. -. P590.85 milyon sa Sta. Cruz, Lubao – Dinalupihan Section ng Gapan-San Fenando-Olongapo Road Project Phase II, na binubuo ng P485.4 M loan proceeds mula sa Korea Economic Development Cooperation Fund (EDCF) at P105.42 M counterpart. Idinagdag ni DBM Secretary Florencio "Butch" Abad na ang P2.2 bilyon ay bahagi ng kabuuang P6.76 bilyong pagpondo sa dalawang proyekto sa tulong ng loan agreement sa Japan at Korea. Tiniyak din ni Abad na patuloy nilang nirerepaso ang mga proyektong popondohan ng mga nautang ng dating administrasyon. “We are committed to reviewing these projects, among others, to make sure that their development purposes are indeed achieved. Furthermore, we are committed to instituting transparency and accountability in the bidding and implementation of these projects," ayon sa kalihim ng DBM. - GMANews.TV