Filtered By: Topstories
News

Kung si JPE si PNoy: Opisyal na sangkot sa ‘Twitter scandal’ sibak sa puwesto


MANILA – Sibak sa puwesto ang aabutin ng isang assistant secretary ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na nasangkot sa kontrobersiyal na pag-tweet tungkol sa Vietnam kung si Senate President Juan Ponce Enrile naging boss nito. Sa panayam ng media nitong Huwebes, sinabi ni Enrile na kung naging tauhan niya ang speechwriter ni Aquino na si Asec. Carmen “Mai" Mislang, ay hindi siya mag-aatubiling sibakin kaagad ito sa trabaho. “I will fire her. You are part of the entourage of the president, you have to be very careful even with the way you walk, with the way you eat, with the way you speak. Because whatever you do will reflect on your boss," pahayag ni Enrile. Naging sentro ng atensiyon sa online community si Mislang noong Sabado matapos lumabas ang mga tweet nito tungkol sa Vietnam tulad ng: “the wine sucks," “Crossing the speedy motorcycle laden streets of Hanoi is one of the easiest ways to die," at “Walang pogi dito." Ang mga tweet ay ginawa ni Mislang habang kasama siya sa delegasyon ng Official Visit ni Aquino sa Vietnam. Nakapalitan din ni Mislang ng mensahe si Communication Group Secretary Ricky Carandang tungkol sa pinunang alak na inihanda sa state dinner. Sa kabila ng mga batikos, nanatili sa puwesto si Mislang na inilarawan ni Carandang na isa sa mga pinakamasipag na opisyal sa Malacanang. Ngunit bukod kay Mislang, may kongresista rin na pumuna kay Carandang dahil hindi kaagad nito pinagsabihan ang kanyang tauhan nang magpalitan sila ng mensahe sa tweet tungkol sa alak. (Basahin: Sec Carandang may pananagutan din sa 'tweet scandal' ng opisyal) Ayon kay Enrile, hindi maaaring ihiwalay ng isang opisyal ang kanyang pribadong pamumuhay lalo na sa katulad ni Mislang na speechwriter ni Aquino at kasama sa delegasyon ng bansa. “Whatever you say in those things in your blogs, in your Facebook, in your Twitter, you cannot divorce your role as an employee of government from you’re being a private person," pahayag ng senador. Kasabay nito, wala naman umanong balak si Enrile na pagbawalan ang mga kawani sa Senado sa paggamit ng mga social networking site dahil naniniwala siyang responsible ang mga ito. Dahil sa kontrobersiyal na tweet ni Mislang, inutos sa Malacanang na itigil ng mga opisyal nito ang pagtu-tweet at pag-post ng mga komentaryo sa Facebook. “I don’t think Senate employees will do such a thing. I have confidence in them because they know that Manong Johnny is very strict in the Senate," pagtiyak ni Enrile. - GMANews.TV