Filtered By: Topstories
News

PNoy masaya sa trabaho ng kanyang Gabinete


MANILA – Wala raw plano si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na balasahin ang kanyang Gabinete batay na rin mataas na marka na nakuha nito sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS). Sa panayam ng media nitong Biyernes, sinabi ni Aquino na marami sa kanyang opisyal ang maganda ang ipinakitang trabaho, higit pa sa kanyang inaasahan. "Most of them, if not all of them, are performing as or better than expected. Others I've had to call their attention to improvements pero for the most part I'm very happy they've been assisting me and addressing all of the problems of this country," pahayag niya. Idinagdag ni Aquino na malaki ang pag-angat ng satisfaction rating ng kanyang official family kumpara sa marka na nakuha ng Gabinete ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa survey na ginawa ng SWS noong September 24-27, tumaas sa +22 percent ang satisfaction rating ng Gabinete, kumpara sa -7 percent na nakuha noong Marso. "Why should we have a Cabinet revamp at this point in time when the people are happy with their performance?" ayon kay Aquino. Partikular na tinukoy ni Aquino ang maganda umanong pamamahala nina Health Secretary Enrique Ona, Public Works Secretary Rogelio Singson, at Energy Secretary Jose Rene Almendras. Kahit nasa acting-capacity, sinabi ni Aquino na wala siyang balak na palitan sa ngayon si Department of Interior Local Government (DILG) Jesse Robredo. Bukod kay Robredo, nasa acting capacity rin si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje. Ipinaalaman ni Aquino na papalitan sa susunod na taon si Paje ng isang kapartido niya sa Liberal Party, habang wala namang malinaw kung tuluyan ding papalitan si Robredo. Naging kontrobersiyal ang puwesto ni Robredo dahil sa naganap na hostage taking sa Quirino Grandstand kung saan walong turista mula sa Hong Kong ang nasawi. Idinagdag ni Aquino na patuloy nilang sinusubaybayan ang trabaho ng kanyang mga opisyal, maging ang tanggapan na kanilang pinamumunuan kung may mga pagbabago na kailangan gawin. Ginawa niyang halimbawa ang problema sa mga informal settlers o iskuwater na nais ni Aquino na bigyan ng ibayong atensiyon ng DILG. "Kung may panibagong mekanismo pwede si Jesse Robredo dun. Pero sa kasalukuyan, uulit-ulitin ko, walang plano na ilipat siya dahil pinag-aaralan pa nga kung kaya nang tugunan ng ahensyang mga kasalukuyang nakatalaga yung mga problemang may expertise siyang sagaran," paliwanag niya. - GMANews.TV