Filtered By: Showbiz
Showbiz

Survivor Philippines: Michelle joins boyfriend Jon as Jury member


Matapos makaligtas at hindi ma-vote out last week, napatalsik na nitong Biyernes sa Survivor Philippines Celebrity Showdown ang young actress na si Michelle Madrigal. Si Michelle ang ika-10 castaways na napatalsik, at naging ikatlong miyembro ng Jury. Makakasama niya bilang jury member ang boyfriend na si Jon Hall at Ira Bermudez. Sa isinagawang botohan sa Tribal Council na pinamunuan ng host na si Richard Gutierrez, lima sa walong natitirang castaways ang bumoto na patalsikin na si Michelle. Hindi kasama ang pangalan ni Ervic Vijandre sa mga puwedeng iboto dahil taglay nito ang immunity necklace na napanalunan niya sa challenge. Si Akihiro Sato naman ang ibinoto ni Michelle dahil itinuturing niya itong threat. Wala naman sa mga castaways ang gustong umamin na banta sila sa kanilang kapwa castaways nang tanungin ni Richard. Gayunman, naniniwala si Michelle na si Audrey Miles ang pinakamalaking banta sa grupo dahil mahusay umano itong magmanipula at siyang nagdedesisyon sa kanyang alyansa kung sino ang susunod na papaalisin. Pero depensa ni Audrey, mahusay lang siyang makipag-usap at hindi alam ng iba kung sino ang nagdedesisyon sa kanyang mga kaalyansa. Nang mapatalsik si Jon three weeks ago, inakala ng marami na si Michelle na ang susunod last week, pero ang napatalsik ay si Ira. Kaya naman nitong Biyernes, sinabi ni Michelle na inaasahan na niya na siya na ang iboboto. – FRJimenez, GMANews.