Filtered By: Topstories
News

Paghahanap kay Lacson nagiging pagsubok na raw sa Aquino govt


MANILA – Nagiging pagsubok umano sa administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang ginagawang paghahanap kay Senador Panfilo Lacson na nahaharap sa kasong pagpatay. Ang pahayag ay ginawa ni Senate Minority Leader Sen Alan Peter Cayetano nitong Biyernes, nang matanong tungkol sa patuloy na pagtugis ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Lacson na ilang buwan nang nagtatago. Si Lacson ay nahaharap sa kasong pagpatay sa publicist na si Salvador Dacer at drayber nitong si Emmanuel Corbito. Ang dalawa ay dinukot at nakita ang kanilang mga labi sa Cavite noong 2000. Ilang ulit na iginiit ni Lacson na wala siyang kinalaman sa kaso. "Nagiging test ito tuloy ng will ng gobyerno to go after fugitives of justice," pahayag ni Cayetano tungkol sa paghahanap sa kanyang kapwa senador. Una rito, sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima na dalawang senaryo ang tinitingnan ng NBI: na nakalabas ng bansa at nakabalik si Lacson sa pamamagitan ng tinatawag na "backdoor," o hindi naman talaga umalis ng Pilipinas ang senador. (Basahin: DOJ chief De Lima: Lacson 'very likely' in the Philippines) Hinihinala na nakalabas ng Pilipinas si Lacson noong Pebrero patungong Hong Kong dahil sa video footage nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). "The proof of the pudding is in the eating. I hope there will be less talk about this and then gawin na lang yung magagawa," payo ni Cayetano sa NBI na gawin lang nila ang trabaho. Dapat din umanong bigyan ng katiyakan ng administrasyong Aquino si Lacson na makakakuha ng patas na paglilitis para mahikayat na sumuko. Isa sa idinahilan ni Lacson kaya pag-alis ang umano’y panggigipit sa kanya ng nakaraang administasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. "I understand (his) anxiety (but) I think Sen. Ping should also consider that this is a much more friendly government," payo kay Cayetano. Tiniyak din ni Cayetano na magiging patas ang Senate Ethics committee kapag sinimulan ang pagdinig sa reklamong iniharap laban sa kanya ng grupong Volunteers Against Crime and Corruptions (VACC). (Basahin: VACC files ethics complaint vs Lacson) "We want to give him due process so we're not rushing it in the sense [that] let's decide on the rules first. After the rules, let's decide what to do when a senator's not present and there's a case against him," idinagdag niya. - GMANews.TV