Filtered By: Topstories
News

Mount Bulusan sa Sorsogon nag-alburoto


Pinagbawalan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang publiko na lumayo sa itinakdang 4-km permanent danger zone (PDZ) sa bulkang Bulusan sa Sorsogon matapos itong magbuga ng abo nitong Sabado. Sa kabila ng ipinakitang aktibidad ng bulkan, sinabi ni Jack Puertollano, senior science research specialist ng Phivolcs, sa panayam ng GMANews.TV sa telepono, na wala pang panganib na tuluyan itong sasabog. Ang pagbuga ng abo at usok ay tinatayang naganap dakong 8:11 am nitong Sabado sa hilagang-kanlurang bahagi ng bulkan. Ang pagbuga nito ng abo at usok ay tinatayang umabot sa taas na 800 hanggang 1,000 metro. Pinayuhan din ni Phivolcs director Renato Solidum Jr. ang mga tao na naninirahan malapit sa bulkan na magtakip ng basang bimbo o panyo sa mukha para protektahan ang sarili sa pinong abo na matatangay ng hangin mula sa bulkan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Ang importante sumusunod ang ating mga kababayan sa 4-km permanent danger zone. Kahit walang masyadong nakikitang senyales ang ating mga instrument, o kahit mukhang normal ang binabantayang pag-akyat ng magma, minsan may pagsabog ng steam at ito ang dapat iwasan nila," pahayag ni Solidum sa hiwalay na panayam ng dzBB. Ang Bulusan ay nasa Alert Level 1 mula pa noong 2007. “Hindi naman ito nagsasabing matutuloy ito sa magmatic eruption pero ito senyales na nagkaroon ng abnormalidad ang Bulusan," patuloy ni Solidum. Makabubuti umanong magkulong sa bahay at isara ang mga bintana at pinto kung magkakaroon ng ash fall. “Siguro paalala sa ating mga kababayan magtakip sila ng basang panyo para di malanghap ang pinong abo.... Saraduhan ang pintuan at bintana, kung may abo linisin agad para di malanghap," paalala ng opisyal. - GMANews.TV