Filtered By: Topstories
News

Ginagamit para magpakamatay: Pagbabawal na ibenta ang panglinis ng silver jewelry ikinatuwa


MANILA – Ikinatuwa ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko ang desisyon ng pamahalaan na ipagbawal ang pagbebenta ng cyanide-laced silver cleaner dahil sa tumataas na insidente ng pagpapatiwakal gamit ang nakalalasong kemikal. “I’m happy that the government has finally heeded our plea to prohibit the sale of toxic silver cleaners that has already claimed so many lives, including those of innocent children," ayon kay Caloocan Bishop Deogracias S. Iñiguez, Jr. “The next step is to actively enforce the ban. We cannot expect accidental and suicidal ingestion of silver cleaner to cease if the ban will not be fully enforced nationwide," pagdiin niya. Una rito, iniutos ng Department of Health (DOH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipagbawal na ang pagbebenta sa merkado ng kemikal na ginagamit na panglinis ng alahas na silver matapos maitala ang pagtaas ng kaso ng pagpapakamatay sa pamamagitan ng naturang kemikal. Nakasaad sa ipinalabas na Joint Advisory ng DOH at DENR na mahaharap sa kaso ang mga mapapatunayang nagbebenta ng silver cleaner na nagtataglay ng cyanide at iba pang nakalalasong kemikal. Iginiit ng dalawang ahensiya na pangunahin sa lahat ay protektahan ang kaligtasan ng publiko. Sinimulan ni Iñiguez ang panawagan sa pamahalaan na i-ban ang pagbebenta sa merkado ng naturang kemikal noong Hulyo 2009 matapos lumabas na dumadami ang kaso ng suicide gamit ang panlinis ng silver. Sa nakalipas na dalawang taon, sinabi sa pahayag na kasama ang silver cleaner sa tatlong pangunahing lason na ginagamit ng mga nagpapakamatay, batay umano sa pagsusuri ng The University of the Philippines – National Poison Management and Control Center (UPNPMCC) at East Avenue Medical Center – Poison Control Unit. Mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, 11 tao na umano ang nasawi dahil sa naturang kemikal na kinabibilangan ng anim na adults at limang bata. Nitong Oktubre, isang graduating vocational student sa Tundo, Maynila ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner na nabili sa isang mall sa nabanggit na lugar. - GMANews.TV
Tags: suicide