Filtered By: Showbiz
Showbiz

Family ready to accept FPJ’s National Artist plaque, medal from PNoy


Sa ilalim ng bagong administrasyon, inihayag ng anak ng yumaong si Fernando Poe Jr. na nakahanda na silang tanggapin ang plake at medalya na nagdedeklara sa tinaguriang ‘King of Philippine’ movies bilang National Artist for Films na iginawad dito noong pang 2006. Bagaman kasama si Poe sa mga hinirang ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang Pambasang Alagad ng Sining noong 2006, tumanggi naman ang kanyang pamilya sa pangunguna ng asawa nito na si Susan Roces na tanggapin ang parangal na iginawad sa Malacanang. Sinabi noon ni Susan na hindi niya matatanggap ang parangal mula kay Arroyo dahil ayaw nilang masira ang importansiya ng parangalan. Ang naturang pagkilala kay FPJ ay mabahiran ng pulitika dahil naging katunggali nito sa panguluhang halalan ang dating lider. Naging mahigpit na kalaban ni Arroyo sa kontrobersiyal na May 2004 presidential elections si Poe. Halos pitong buwan matapos ang halalan at idineklarang panalo si Arroyo, pumanaw ang tinaguriang “Da King" noong Disyembre 2004 dahil sa sakit.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa ulat ni GMA News reporter JP Soriano sa 24 Oras nitong Miyerkules, nagpahayag ng pag-asam si Grace Poe-Llamanzares, na makukuha nila ang plake at medalya na nagdedeklara sa kanyang amang si FPJ bilang national artist sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. “Hopefully now, with this new administration (Aquino), hopefully it can be given to us (ang plake at medalye)," pahayag ni Grace, hinirang ni Aquino na bagong pinuno ng Movie, Television Review and Classification Board (MTRCB). Hindi naman umano direktang sinagot ni Susan ang tanong kung nais pa niyang makuha ang plake at medalye para sa kanyang yumaong asawa. Sapat na umano ang mga parangalan na ibinibigay kay “Da King." Kamakailan ay pinasinayaan ng mga commemorative stamp na nagpapakita ng mga nagawang pelikula ni FPJ. Kasama rin sa pinasinayaan ang disenyo ng iba pang national artist. “We have accepted, the honor given to him by his fellow artists, kabi-kabila naman ang magagandang alaala na ibinigay kay PFJ," ayon kay Susan. Tiniyak naman umano ni Communication Group Secretary Ricky Carandang na kaagad niyang ipapaalam kay Aquino ang mensahe ng anak ni FPJ. Sa text message sa GMANews.TV, sinabi ni Aquino na hihintayin niya ang magiging kahilingan ng pamilya ni FPJ. Nitong Lunes, iginawad ni Aquino ang pinakamataas na parangal na Grand Collar of the Order of the Golden Heart, sa tinaguriang "King of Comedy" na si Rodolfo “Dolphy" Quizon kahit pa ang sinuportahan nito sa nakaraang halalan ay katunggali niyang si Sen. Manuel Villar Jr. - FRJimenez, GMANews.TV