Filtered By: Topstories
News

Sex, pangunahing nagpapasaya sa mga lalaki mula sa 'low-income families' - survey


MANILA – Ang pakikipagtalik ang sinasabing pangunahing nagpapasaya sa mga lalaki mula sa “low-income families," ayon sa isinagawang survey ng National Statistical Coordination Board (NSCB) ng pamahalaan. Lumitaw din sa naturang survey na ginawa ng NSCB nitong Agosto sa 356 respondents na sa pangkalahatan ay pamilya at kalusugan ang pangunahing nagpapaligaya sa mga Pilipino. Pero kung ang mga babae mula sa mahirap na pamilya ang tatanungin, mayorya sa kanila ang pumili na pamilya ang nagbibigay sa kanila ng kaligayan, at hindi sex tulad ng pinili ng mayorya sa mga lalaki. Nakasaad sa survey na pang-10 lang ang pamilya sa nagpapaligaya sa mga lalaki mula sa low-income groups. “The men are not very happy with their family, however, a great mismatch with the women and a cause for concern," ayon sa pahayag ni NSCB Secretary-General Romulo Virala na nakapaskil sa kanilang website. Napuna rin ng NSCB ang “large disparity" sa ranking ng sex life sa mga lalaki at babae sa lahat ng economic classes. Bagaman sa kabuuan ay pang-10 ang sex sa pinili ng mga lalaki na nagbibigay sa kanila ng kaligayahan, sa mga babae ay pangalawa sa huli ang sex na dahilan ng kanilang kaligayahan. Bukod sa pamilya at mahusay na kalusugan, ang iba pang pangunahing nagbibigay ng kaligayahan sa mga Pilipino ay ang trabaho, peace and security, pagkain, edukasyon at pag-ibig. “The family is definitely a very (if not the most) important source of happiness among us. It is therefore important that we preserve the family as the social unit that can bind us together," pahayag ni Virala. Ang mga kaibigan na pinagmumulan ng kaligayan ng mga Pilipino ay bumagsak sa pang-12 puwesto mula sa pang-apat noong 2007. Ang survey ay ginawa sa mga low-income families, government workers at private sector mula sa dalawang distrito sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan. - GMANews.TV