Filtered By: Topstories
News

Iba pang anomalya sa housing project hahalukayin ng Senado


MANILA – Sinabi ni Senador Serge Osmena III na iimbitahan pa rin nila si dating Bise Presidente Noli de Castro kaugnay sa iba pang alegasyon ng katiwalian tungkol sa pagpapautang ng Home Mutual Development Fund o Pag-IBIG Fund. Sa isang panayam sa senador, sinabi ni Osmena na may iba pang alegasyon ng katiwalian sa mga proyektong pabahay na sangkot ang HMDF na dating nasa ilalim ng pamamahala ni De Castro. “As a matter of fact, it’s a good thing that we have discovered the anomaly early enough kasi merong reports na meron ding P5 billion para dun sa housing sa Subic. Meron din sila sa Mindoro, sa Bacolod. Kung tuloy-tuloy ito, if we had waited another year, that would be another P7 to P10 billion," ayon kay Osmena. Una rito, iniimbetigahan ng Senado ang P6 bilyong na Xevera housing project sa Pampanga ng Globe Asiatique na inaprubahan ng Pag-IBIG. “Hindi pa kami tapos. We will have to follow the trail of evidence. We have to try to interview some of the false buyers, itatanong namin sa kanila anong nangyari, bakit nila pinirmahan iyan kung wala naman silang intensyon? Kung sabihin nila na ‘binayaran kami ng P3,000 eh’, iba na iyon," ayon kay Osmena. Bukod kay De Castro, ipatatawag din ng Senado sina Lucille Ortille, dating executive director ng Housing and Urban Development and Coordinating Council (HUDCC), at Wilma Flores, vice president para sa Luzon ng Pag-IBIG. “She was a key person. She was the secretary general of the HUDCC. She was only number two to Noli de Castro in the HUDCC, which is the coordinating council and has direct control and supervision over all the housing agencies, including the National Housing Administration, the Home Guarantee Corporation," pahayag ng mambabatas. Sa ginawang imbestigasyon ng Senado, sinasabing umaabot sa 1,900 ang pekeng buyer na inaprubahan ng Pag-IBIG ang housing loan gamit ang garantiya mula sa Globe Asiatique na pag-aari ni Delfin Lee. - GMANews.TV