Filtered By: Showbiz
Showbiz

‘Ang Bolero’ voted out of Survivor Philippines


Ang tinaguriang “bolero" ng isla ang ika-11 castaways na napatalsik sa hit reality series ng GMA 7 na Survivor Philippines Celebrity Showdown nitong Biyernes. Kahit napatalsik, ipinakita ni Ahron “Ang Bolero" Villena na masaya siya sa naging karanasan niya sa isla at tanggap daw ng young actor na bahagi ng laro ang lahat. Sa pagbilang ni Richard Gutierrez ng mga boto sa isinagawang Tribal Council nitong Biyernes, lima sa pitong natitirang castaways ang bumoto kontra kay Ahron. Nakakuha rin ng tig-isang boto sina Audrey Miles at Ervic Vijandre. Si Ahron ang magiging ikaapat na miyembro ng Jury, kasama sina Jon Hall, Michelle Madrigal at Aira Bermudez. Nakaligtas naman sa botohan si Akihiro Sato dahil taglay niya ang immunity necklace. Habang pinili ni Audrey na huwag pa ring gamitin ang kanyang immunity bracelet. Sinabi ni Richard na hanggang sa susunod na linggo na lamang maaaring gamitin ni Audrey ang kanyang immunity bracelet, gayundin ang natitirang isang immunity bracelet na nakatago pa sa kanilang kampo at hindi pa nakikita. Nagkaroon ng tawanan sa tribal council nang ikuwento ni Elma Muros kung papaano siya “mapagkaisahan" ng mga kapwa castaways tungkol sa nakuha niyang “immunity bracelet" na gawa-gawa lang ng kanyang mga kasamahan. Kasama sa natitirang top six castaways sina Moi Marcampo at Solenn Heussaff. Bago magtapos ang episode nitong Biyernes, pinayuhan ni Richard ang natitirang mga castaways na lalo pang palakasin ang alyansa ng mga may-alyansa na, at maghanap ng matibay na alyansa ang napag-iiwanan. - FRJimenez, GMANews.TV