Filtered By: Topstories
News

Sahod ng mga manggagawa sa Gitnang Luzon dinagdagan ng P14


Simula sa Nobyembre 22, tataas ng P14 ang tinatanggap na daily minimum wage ng mga manggagawa sa Gitnang Luzon na nakapaloob sa kanilang cost-of-living allowance o COLA. Batay ito sa ipinalabas na kautusan (Wage Order NO. RB III-15) ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Region III, na magkakabisa simula sa Nob 22. "The Central Luzon wage order was issued in time with the advent of the holiday season (and) will brighten up the holiday season of private sector workers in the said region," pahayag ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz. Dahil sa karagdagang sahod, ang pinakamababang sahod bawat araw ng mga manggagawa sa Gitnang Luzon ay aakyat sa P316 mula sa kasalukuyang P302. Sa ilalim ng kautusan, ang mga non-agricultural worker sa mga establisimyento sa Pampanga, Bulacan, Tarlac, Bataan, Zambales at Nueva Ecija, na may kabuuang asset na P30 milyon o higit pa ay dapat tumanggap ng basic daily wage na P316. Samantala, ang mga non-agricultural workers sa lalawigan ng Aurora ay tatanggap naman ng daily minimum wage na P265. Sinabi ni DOLE-RO3 Regional Director Ernesto Bihis na ang karagdagang sahod ay resulta ng ginawang pakikipag-ugnayan at pampublikong pagdinig ng regional wage board sa Gitnang Luzon sa mga negosyante at manggagawa. Ang konsultasyon ay batay sa inihaing petisyon ng Mitsumi Philippines Workers’ Union-ALU-TUCP na humihiling naman ng P75/day across-the-board wage increase sa Region III. Ang kautusan ng RTWPB ay inilathala sa mga local na pahayagan sa Gitnang Luzon noong Nobyembre 7. – GMANews.TV

Tags: wage, wagehike, labor