Filtered By: Topstories
News

13th month pay, cash gift matatanggap ng govt employees simula sa Nob 15


MANILA – Matatanggap ng mga kawani at opisyal sa gobyerno ang natitirang kalahati ng kanilang ng 13th month pay, bukod pa sa cash gift simula sa Nobyembre 15, ayon sa Department of Budget and Management (DBM) nitong Biyernes. Ito ay batay sa DBM Circular No. 2010-1, na ipinalabas noong April 28, 2010, na nagsasaad na tatanggap ng year-end bonus na katumbas ng isang buwan nilang sahod ang mga nagtatrabaho sa pamahalaan, bukod pa sa cash gift na P5,000. Ayon kay DBM Secretary Florencio "Butch" Abad, natanggap na ng mga kawani ng gobyerno ang kalahati ng kanilang 13th month pay nitong unang bahagi ng taon. "Ang mga ahensiya ay naghahanda na nga para dito kasi ang bonus na ‘yan, na-release na’ yan sa lahat ng ahensya ng ating gobyerno," pahayag ni Abad sa panayam ng GMA News' Unang Hirit. Sakop ng circular ang mga sumusunod: • Civilian government personnel na umuukopa ng regular, contractual, o casual positions; appointive o elective; at mga nagbigay ng kanilang serbisyo na full time o part time basis; • Military personnel ng Armed Forces of the Philippines, Department of National Defense, at mga uniformed personnel ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail and Management Penology sa ilalim ng Department of Interior and Local Government; Philippine Coast Guard; at National Mapping and Resource Information Authority; at • Mga barangay official at employees. Hindi naman kasama ang mga sumusunod: • Consultants at experts na kinuha ang serbisyo sa maigsing panahon; • Mga manggagawa na kinuha ang serbisyo sa paraan ng job contracts (pakyaw) at binayaran ng piecework basis; • Mga student laborer at apprentice; at • Mga indibidwal o grupo na ang serbisyo ay kinuha sa paraan ng job order, contract services, o iba pang katulad na paraan. Kailangan ay nakapagbigay ng serbisyo sa gobyerno ang mga kawani at opisyal ng pamahalaan sa loob ng apat na buwan mula Enero 1 hanggang Oktubre 31 para makatanggap ng year-end bonus at cash gift. Maging si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ay makatatanggap ng katulad na halaga ng cash gift gaya sa mga karaniwang manggagawa, ayon kay Abad. – GMANews.TV