Filtered By: Topstories
News

Kampana sa 3 simbahan sa Bulacan,'ninakaw


Tatlong simbahan sa lalawigan ng Bulacan ang ninakawan ng kampana. Kabilang sa natangay ang isang kampana na mahigit 100-taon ang edad. Sa ulat ni GMA primetime news 24 Oras nitong Biyernes, Oktubre 30 nang mawala sa Santo Rosario Chapel sa Obando, ang 35-taong gulang na kampana. “Nalulungkot kami saka nagulat kami. Katunayan sa dalawang araw na pagrosaryo naming na sunod, nanawagan kami na kung maaari isauli ang kampana," pahayag ng deboto na si Aling Flor Manahon sa panayam ni GMA News reporter Jaymie Santos. Nitong Lunes, ninakaw naman ang 100-taong gulang na kampana ng Nuestra Senora Del Rosario sa Plaridel. Ninakaw din ang kampana sa kapilya sa kalapit na Brgy Bulihan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon sa mga residente, bukod sa nagbibigay ng hudyat sa mga tao ang tunog ng kampana para sa idaraos na misa, nakatutulong din umano ang ingay na dulot nito para magbigay ng babala kapag may trahedya o kalamidad. Naniniwala si Fr Jay Lina, parish priest sa Balagtas, Bulacan, na pinupuntirya ng mga magnanakaw ang mga kampana dahil madali itong maluwas sa Maynila para ibenta. Bukod kasi sa antigo ang mga ito, gawa rin ang mga kampana sa tanso. “Usually yung mga lumang kampana, nakalagay kung sino ang nagpagawa, pangalan ng prayle kung kanino naka-dedicate ang kampanya, at yung petsa noong pagkakagawa ng kampana at saka kung gaano kabigat ang kampana," paliwanag ni Lina. Umaasa naman ang deboto ng mga simbahan na maibalik ang mga kampana bago sumapit ang tradisyunal na simbang-gabi sa Disyembre. Iginiit ng mga residente na walang katumbas na halaga ang mga kampana kung pagiging bahagi ng kasaysayan sa kanilang lugar at pinagmulan nito ang pag-uusapan. - FRJimenez,GMNews.TV