Filtered By: Topstories
News

Pagboto sa special elections sa Bulacan naging matumal


HAGONOY, Bulacan — Naging mapayapa ang pagsisimula ng special elections sa 1st district sa Bulacan nitong Sabado ng umaga bagaman naging madalang ang dating ng mga botante. Sa kabila nito, kaagad na pinabulaan ng opisyal ng Commission on Elections (Comelec) sa Bulacan ang ilang espekulasyon na baka ideklara ang failure of elections bunga ng kakaunting bilang ng mga bumoto. “Peace at successful ang special election. Walang failure, dahil lahat ng presinto ay nag-function," pahayag ni Atty. Sabino Mejarito, provincial election supervisor ng Bulacan. Naging mapayapa ang pagbubukas ng halalan dakong 7 am para bumoto ng kongresista na kakatawan sa Kamara de Representantes sa unang distrito na sumasakop sa mga bayan ng Bulacan, Paombong, Hagonoy, Calumpit, Pulilan at lungsod ng Malolos. Umaasa pa rin naman si Mejarito na madadagdagan pa ang bilang ng mga boboto pagsapit ng hapon. Isasara ang mga polling precinct pagdating ng 7 pm. Nitong Huwebes ay idineklara ng pamahalaang panglalawigan ng Bulacan na special holiday sa district 1 upang mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na bumoto. Kumpara sa katatapos na barangay at Sangguniang Kabataang (SK) elections nitong Oktubre 25, na naging siksikan ang mga tao sa mga paaralan na pinagdausan ng halalan, nitong Sabado ay naging maluwag ang mga eskuwelahan. Ayon sa isang kasapi ng Board of Election Inspector (BEI) sa bayang ito, hindi pa umabot sa kahati ang bilang ng mga bumoto sa listahan ng nakatalang botante. Inihayag naman ni Josefino Maclang, election officer sa Pulilan, tila mas pinili ng mga residente na magtrabaho pa rin sa bukid kaysa bumoto. Ang pangalan ng mga kandidato sa pagka-kongresista na nakasaad sa balota ay sina dating Gob. Roberto Pagdanganan, Marivic Alvarado, Danilo Domingo, Jun Aniag, Francisco Cruz at Tomas Valencia. May nakalistang 331,639 botante sa unang distrito ng Bulacan, kung saan ang pinakamarami ay nasa Malolos na umaabot sa 100,221 botante. - GMANews.TV
LOADING CONTENT