Filtered By: Topstories
News

Hinihinalang kasama ni Rep Singson sa airport bago nahuli sa HK, natimbog sa drug buy-bust ops


MANILA – Tatlong lalaki ang nadakip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang buy-bust operation sa Ortigas. Isa sa kanila ay pinapaniwalaang kasama ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson bago ito umalis ng Pilipinas at nadakip sa Hong Kong noong Hulyo. Kinilala ng NBI ang mga dinakip sa buy-bust operation na ginawa sa isang five-star hotel sa Ortigas na sina Arthur Olarte, Filipino-Chinese na si Benjamin Leo-Bin alias Benjamin Bokbok-Yu at Richardson Bondoc Ang. Ayon kay Ruel Lasala, NBI deputy director for intelligence services, posibleng si Leo-Bin umano ang nakunan sa closed-circuit camera sa Ninoy Aquino International Airport kasama ni Singson patungong HK.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Si Singson ay nahaharap sa kasong pag-iingat ng ilegal na droga sa HK matapos siyang madakip sa paliparan ng nasabing teritoryo ng China noong Hulyo 11. Lumitaw umano sa pagsisiyasat ng mga awtoridad na may kapangalan si Leo-Bin sa listahan ng passenger manifest ng eroplanong sinakyan din ni Singson sa nasabing petsa. "Pero binavalidate pa namin iyan... kasi si congressman, doon na-caputure sa Hong Kong, siya (Leo-Bin) naman dito ang transaksyon nila," pahayag ni Lasala sabay pagdiin na magkaiba ang sitwasyon ng dalawa. Samantala, sinabi ng NBI na nagpapakilala umano si Olarte na mayamang negosyante at operatiba ng Presidential Anti-Smuggling Group. Sinasabing nakuha sa mga suspek ang isang kilo ng cocaine na ibinente sa operatiba ng NBI sa halagang P500,000. Sa pagsusuri sa sasakyan ng tatlo, may nakuha pa umanong dalawang kilo ng ilegal na droga. Ikinatuwa naman ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson, ama ni Rep. Singson ang pagkakahuli sa mga suspek. "Matagal na naming pinag-sususpetsahan iyan. Wala lang kaming ebidensya. Kaya masaya ako nahuli iyan dapat huwag nang pakawalan iyan," ayon sa gobernador. - GMANews.TV