Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Marian Rivera reacts on Vivian Velez's comment about her miscast acting


Hindi nakaligtas si Marian Rivera sa pang-iintriga ng mga entertainment press, kasama ang PEP (Philippine Entertainment Portal), sa presscon ng pinagbibidahan niyang pelikula, Super Inday and the Golden Bibe. Ginanap ang presscon nitong Lunes ng gabi, November 15, sa Imperial Palace Suites, Timog Ave., Quezon City. Isang isyu na sa sinagot ni Marian ay ang komento ni Vivian Velez— hindi raw nito nagustuhan ang pagganap ng Kapuso star sa TV remake ng Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang. Una itong pinagbidahan sa pelikula ng 80's sexy star. Matatandaang sa presscon noon ng Imortal, sinabi ni Vivian: "Hindi bagay. Sorry, that is my [opinion]. Akin yun, e. Hindi bagay. Kasi alam n'yo nung ginagawa namin yung Hinugot, napaka-complex nung character nung babae, very-very complex. "Si Marian kulang ng anghang. Si Marian kasi mukhang mabait, di ba?" Ano naman ang reaksiyon ni Marian dito? "Yung sinabi ni Ms. Vivian Velez sa akin, hindi ko naman po masisisi kasi una sa lahat, hindi naman niya ako kilala personally. Hindi pa po kami nagmi-meet dalawa. Ngayon, kung may nasasabi po siya, personal niya pong opinyon yun. Lahat naman po tayo may personal na opinyon. "So, irerespeto ko na lang siya. At wala naman sigurong masama sa sinabi niya dahil may binawi naman siya na angelic face ako o mukha akong mabait—puwede na yun sa akin," nakangiting paliwanag ni Marian. Napanood niya raw ang isa pang interview kay Vivian at nagkomento rin si Marian tungkol dito. Aniya, "Wala na yun. Tutal wala na naman siyang sinabing masama tungkol sa akin, so, tumahimik na lang din ako sa mga nasabi niya. At least, hindi na humaba yung gulo kung anuman. At least natapos na doon lang. At may nasabi naman siyang maganda ngayon." Pero siyempre, hindi mapipigilan ang strong reactions ng fans, na ipinagtanggol nang husto ang kanilang idolo. Ang sabi ng dalagang aktres, "Actually, hindi na nga ako ang nagre-react kundi yung mga taong nagmamahal sa akin, sila ang nasasaktan. Ako, ang masasabi ko lang naman sa kanila ay hayaan na natin. "Unang-una sa lahat, hindi ko naman siya nakatrabaho. Masasaktan ako kung si Ms. Maricel [Soriano] ang nagsabi niyan. Pero hindi, e, masaya ako dahil si Ms. Maricel gusto niya ako bilang ako, di ba? Kaya okay na po iyan. Hindi ko na po papalakihin pa 'yan." MARIA'S BLESSING. Speaking of Maricel Soriano, siya ang unang gumanap sa lead role ng Super Inday and the Golden Bibe noong 1988. Humingi pa raw ng blessing si Marian kay Maria (palayaw ng Diamond Star) bago niya gawin ang remake ng pelikulang ito. "Ako po kasi hangga't maaari, bago ko gawin ang isang remake ay humihingi ako ng basbas mula sa original na gumanap. Katulad nitong Super Inday, talagang humingi ako ng basbas kay Nanay Maria para gawin ito bilang respeto na rin sa kanya. "Hindi naman ako nagkamali dahil masaya siya na ako yung gaganap na Super Inday at susuportahan naman daw niya ako," kuwento pa ni Marian. Nagkatrabaho na noon sina Marian at Maria bilang mag-ina sa Bahay Kubo: A Pinoy Mano Po, na entry din ng Regal Films sa Metro Manila Film Festival noong 2007. Back to Super Inday, blockbuster hit ito noon, may pressure ba sa kanya ngayon para kumita ng malaki ang remake nito? "Kasi kung iisipin ko yung pressure, wala pong mangyayari, e. Alam naman po natin na nag-hit ang Super Inday noong araw. Pero siguro may iba naman po kaming nagawa dito na maganda rin na mapapanood nilang lahat at ma-e-enjoy din nila. At ang daming nadagdag na ikagaganda rin ng pelikula." Ano ang kaibahan ng character niya ngayon sa ginampanan ni Maricel noon? "Ganun pa rin, pareho pa rin," sagot ng most-sought-after leading lady sa Kapuso network. "Yun hitsura lang siguro pag Super Inday na ako, kasi yung batya ko na shield ko ngayon, naging gold na, 'tapos medyo nagkahugis na. Yung palu-palo noon, naging espada na ngayon. "Yung costume, talagang superhero na superhero na. May iniba sa mga linya kasi ibinagay sa panahon ngayon. Pero may pagkabakla talaga si Super Inday dito, yun ang isa pang natira sa Super Inday noon." - Glen Sibonga, PEP