Filtered By: Topstories
News

Panalo ni Pacman, sinamantala ng mga kumpanya ng langis?


MANILA – Binatikos ng isang kongresista ang pinakabagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na itinaon sa panahon na nagdiriwang ang mga Pinoy sa panalo ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao kontra kay Antonio Margarito sa Texas, USA. Umabot hanggang P2 bawat litro ang idinagdag ng mga kumpanya ng langis sa presyo ng diesel, habang P1.50 bawat litro naman sa gasolina. Dahil sa pinakabagong patong sa presyo ng mga produktong petrolyo, pumapalo na sa P36 bawat litro ang halaga ng diesel at naglalaro naman sa P45-P46 ang halaga ng gasolina. “This is highway robbery, it seems that the oil companies used the euphoria of the Filipino people with Rep. Manny Pacquiao’s boxing victory to pull a fast one," banat ni Bayan Muna party-list Rep. Neri Javier Colmenares.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nitong Linggo, nakuha ni Pacquiao ang kanyang ika-walong titulo sa walong magkakaibang debisyon. Si Pacquiao ang kauna-unahang boksingero sa mundo na nakagawa ng naturang tagumpay. Ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado ang itinuturong dahilan ng mga kompanya ng langis sa Pilipinas sa pagtaas ng halaga ng kanilang produkto. Pinuna rin ni Colmenares ang Department of Energy (DOE) na tila nakiisa umano sa mga oil companies sa price increase batay sa naging pagtaya ng ahensiya noong Nobyembre 9. Sinabi ng kongresista na ang ipinalabas na komputasyon umano ng DOE sa galaw ng krudo sa world market ang tila nagbigay ng senyales sa mga oil companies na gawin ang pagtaas sa presyo ng produktong mga petrolyo. “Consequently, this served as a go signal for the oil companies to pump their prices based on the DOE’s computation. As can be seen they already hiked oil prices by P0.25/ liter last week and they increased it by P2 today, to cover the P2.25/liter year to date increase released by the DOE," paliwanag ni Colmenares. Sinabi ng mambabatas na ang ginawa ng DOE ay taliwas sa tungkulin nito na protektahan ang kapakanan ng mga konsumer at hindi ang malalaking negosyante pagdating sa presyo ng produktong petrolyo. “Instead of protecting consumers, it is the DOE itself saying that oil companies should increase their prices. This is really ironic, considering that oil companies should roll back their prices by P8-P9, based on the last computations of Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) and even Sen. Ralph Recto," ayon sa kongresista. Muling sinisisi ni Colmenares ang oil deregulation law na siyang dahilan umano kaya malaya nakapagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang mga oil company. “This policy should be scrapped before it causes more suffering for the Filipino people. These greedy oil companies are trying to steal Christmas, but we will not take this sitting down. Congress should investigate this considering that the 2 peso per liter increase is excessive," pagdiin niya. - GMANews.TV