Filtered By: Topstories
News

Kapalit ng amnestiya: Kasalanan dapat aminin ng mga nag-aalsa sa gobyerno


MANILA – Iginiit ng ilang kongresista na dapat umamin muna sa kanilang kasalanan ang mga sangkot sa pag-aalsa laban sa gobyerno bago sila bigyan ng amnestiya na isinusulong ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Justice at National Defense nitong Miyerkules tungkol sa Proclamation 50, sinabi ni Executive Secretary Paquito Ochoa na bukas ang Malacanang sa imumungkahing pagbabago sa proklamasyon. Inihayag din ni Ocho na ang mga mag-a-aplay ng amnestiya ay kinakailangan lang magpakita ng katibayan na kasama sila sa tatlong insidente ng pag-aaklas laban sa pamahalaan bilang rekesitos sa Proclamation 50. Ang tatlong insidente ng pag-aaklas ay ang "Oakwood Mutiny," "Marines stand-off," at "Manila Peninsula incident," na pawang naganap sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na kongresista na ngayon ng ikalawang distrito ng Pampanga. Ayon naman kay Justice secretary Leila de Lima na dumalo sa pagdinig, na hindi lubos na kondisyon sa pagkakaloob ng amnestiya ang pag-amin sa kasalanan. Ngunit ipinaliwanag ng ilang mambabatas na may dating desisyon ang Korte Suprema na ang pag-amin sa kasalanan ay bahagi ng rekesitos sa pagkakaloob ng amnestiya. “It seems that under Philippine’s jurisprudence now is that in order for a group of persons to avail of the amnesty proclamation, they should admit guilt," pahayag ni Iloilo Rep. Niel Tupas, pinuno ng House justice committee. Idinagdag ni Tupad na hindi rin magiging tugma para sa isang aplikante sa amnestiya na humingi ng kapatawaran kung hindi naman niya aaminin ang kasalanan, kung pagbabatayan ang Vera case. “Amnesty presupposes the commission of the crime and when an accused maintains that he has not committed the crime, he cannot have any use for such proclamation," pagsipi ng kongresista sa naturang desisyon sa Vera case. Maaari naman umanong isagawa ang pag-amin sa kasalanan sa pamamagitan ng ihahandang “plea or confession" ng aplikante, ayon pa kay Tupad. Kabilang sa mga nasangkot sa pag-aalsa laban sa pamahalaan na dumalo sa pagdinig ay sina dating Brig. Gen. Danilo Lim at dating Col Ariel Querubin. Hindi naman dumating si Sen Antonio Trillanes, bagaman pinahintulutan ito ng korte na lumabas ng piitan. Inamin nina Lim at Querubin na mag-a-aplay sila sa amnestiya kapag ganap na naaprubahan ng Kongreso ang Proclamation 50. Ang naturang proklamasyon ay naipasa na ng mga senador. Nanindigan naman si Lim sa naging partisipasyon niya sa pag-aalsa na pagpapakita umano ng paninindigan laban sa katiwalaan ng nakaraang administrasyon. “I maintained that what we did is not without constitutional basis. I will always take pride in the sacrifices of our soldiers, for standing up against corruption, injustice and bogus election," tugon ni Lim sa tanong ni Cavite Rep Elpidio Barzaga kung naninindigan ito na hindi nakagawa ng kasalanan laban sa pamahalaan. Iginiit naman ni Muntinlupa City Rep. Rodolfo Biazon, pinuno ng national defense committee, na dapat tiyakin ng kapulungan na naaayon sa Konstitusyon ang magiging desisyon nila sa proklamasyon. “Through the years we deal with military adventurism," ayon kay Biazon na kapartido ni Aquino sa Liberal Party. “ “I hope our decision is correct, not just politically correct but fundamentally right." - GMANews.TV