Filtered By: Topstories
News

Walang whitewash sa Glorietta 2 blast probe, ayon sa hepe ng AFP


MANILA – Inamin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen Ricardo David na pinagbawalan niya ang isa niyang tauhan na magsalita sa media tungkol sa natuklasan nito sa pagsabog sa Glorietta 2 Mall sa Makati noong 2007. Ngunit iginiit niya na hindi ito nangangahulugan na mayroon silang nais pagtakpan. Nang nangyari ang pagsabog noong Oktubre 2007, si David ang pinuno ng Support Command ng Philippine Army. Tauhan niya si retired Army Col. Allan Sollano, na nagsagawa ng imbestigasyon at nagsasabing bomba at hindi methane gas ang dahilan ng pagsabog na kumitil ng 11 buhay. Pag-akusa ni Sollano, dating namuno sa explosive and ordinance disposal team, ginawa ng AFP ang pagtatakip para protektahan ang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sina David at Sollano ay kapwa dumalo sa reinvestigation na ginagawa ng Department of Justice sa Glorietta blast nitong Huwebes. Iginiit ni Sollano sa kanyang sinumpaang salaysay na pinagbawalan siya noon na magsalita sa media tungkol sa nakita niyang mga bakas ng C-4 bomb sa pinangyarihan ng pagsabog. Ngunit paliwanag ni David, pinagbawal niya si Sollano dahil "unethical" na magsalita ito sa media dahil hindi siya ang tagapagsalita ng Philippine Army. "I told him, 'Do not give any statement [to the media]. Tell everything to the PNP. You are not the spokesman of the Army,'" pag-alaala ni David sa ibinigay niyang kautusan kay Sollano. Idinagdag ni David na kasama sa isinumite niyang spot report sa liderato ng AFP ang ibinigay na impormasyon ni Sollano na bomba ang posibleng dahilan ng pagsabog. "In fact, I reported it as an explosive. I was not given instruction that it was methane. I reported what Sollano told me, that there's an explosion," pahayag ni David sa panayam ng media. Sa pagdinig nitong Huwebes, pinanindigan ni Sollano ang paniwala na may malakas na uri ng bomba na pinasabog sa mall at hindi aksidente na dulot ng methane gas. "Only a high explosive can inflict the petalling effects on metals… the cratering is a result of the pressure, the blast pressure. Once the high explosive detonates, it will produce cratering effect," pagdiin niya. Idinagdag niya na ang pinasabog na bomba ay inilagay malapit sa tangke ng diesel. Sa kabila nito, nanindigan din ang isang opisyal ng Philippine National Police na wala silang nakitang palatandaan na may bombong pinasabog sa lugar. "Nag-sifting tayo. Walang mahanap na collaborative evidence para yung IED [improvised explosive device] ay ma-prove natin," ayon kay police Superintendent Albert Ferro, pinuno ng Philippine Bomb Data Center ng PNP. Sinuportahan din ito ni retired police Inspector Edilberto Capecete Jr., na naging bahagi ng PBDC. "I'm still consistent with the gas explosion... What happened in Glorietta was a case of gas explosion. Kung explosive, dapat may traces of explosive, unless we have contamination of the area." Itinakda ni Senior State Prosecutor Peter Ong, namamahala sa reinvestigation ng DOJ panel, ang susunod na pagdinig sa November 26. Nilinaw naman ni Ong na kailangan pa ring timbangin ang mga inihayag ni Sollano. "Just because a person has not been corroborated by anyone, it does not mean he is not credible. We're not here for the number of witnesses. He can be the only one, but he can be believable," paliwanag ni Ong sa media. Naganap ang pagsabog sa Glorietta sa panahon na mainit na pinag-uusapan ang kontrobersiyal na NBN-ZTE deal, at pagkakaloob ni Arroyo ng pardon kay dating pangulong Joseph Estrada na hinatulan ng Sandiganbayan na guilty sa kasong pandarambong. – GMANews.TV