Filtered By: Topstories
News

Enrile duda sa kakayahan ni Pacquiao na maging presidente


MANILA – Hindi naman daw sa minamaliit, pero hindi pasado kay Senate President Juan Ponce Enrile na maging pangulo ng bansa si Saranggani Rep. Manny Pacquiao. "Huwag naman. Let’s not devalue the presidency," pahayag ni Enrile nang hingan ng reaksiyon ng media tungkol sa posibilidad na maging pangulo ang tinaguriang “Pambansang Kamao" ng bansa. “’Pag naging president ‘yung tao, kayo ba gusto n’yo na mangyari ‘yun sa bansa natin," dagdag pa ng senador. Bagaman maaari naman umanong tumakbo sa pinakamataas na puwesto ang lahat ng kuwalipikado, duda siya kung kakayanin ni Pacquiao na pamunuan ang bansa. "Anybody is qualified to be president but I doubt whether he can really handle the job as the president of the country," ayon kay Enrile. "Anybody can become president but you are asking me about my standard for the presidency. I’m sorry to say that he will not measure (up to my standards)." Kamakailan ay inihayag ng isang kongresista na kailangang maghintay si Pacquiao sa 2022 presidential elections sakaling maisipan ng Pinoy boxing icon na sungkutin ang Malacanang. Ayon kay Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga Jr., ang edad ni Pacquaio ang pipigil sa kanya para asintahin ang mas mataas na puwesto sa gobyerno tulad ng posisyon ng senador, pangalawang pangulo at maging pangulo. Paliwanag ng kongresista, ang minimum age para sa tatakbong senador ay 35, habang 40-anyos naman ang requirement sa mga aspirante sa puwesto ng pangulo at pangalawang pangulo. Dahil 31-anyos pa lang si Pacquiao na isinilang noong Disyembre 17, 1978, sinabi ni Barzaga na hindi pa ito puwedeng tumakbong senador sa 2013 mid-term elections. "The earliest Manny could meet the minimum age requirement to run for president would be in the 2022 elections, or 12 years hence," ayon kay Barzaga. "Manny cannot even run for senator in the 2013 mid-term polls, because on election day that year he will only be 34, and turn 35 only seven months later." Sa kabila nito, pinayuhan ni Enrile si Pacquiao na mag-aral ng husto kung may hangarin ito na maging pangulo ng bansa. "Well, he’d better get a Socrates to…Sun Tzu, Socrates and others... because he must learn the meaning of life," ayon kay Enrile na nauna nang nagpahayag na tutol din na gawing negosyador sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). - GMANews.TV